Ang Pahayagan

Php106 bilyong pondo inilaan ng DBM para sa 4ps program

Naglaan ang pamahalaan ng ₱106.335 bilyon sa ilalim ng FY 2024 General Appropriations Act (GAA) para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na naglalayong tulungan ang mahigit 4.4 milyong karapat-dapat na pamilya sa buong bansa.

Binigyang-diin ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina Pangandaman na ang ₱106.335 bilyong inilaan sa 4Ps ay mas malaki kumpara sa inilaang budget para rito noong 2023 na ₱102.610 bilyon.

Sakop ng nasabing alokasyon ang mga ayuda para sa kalusugan na nagkakahalaga ng ₱750 bawat buwan at ₱600 bawat buwan bilang mga subsidiya sa bigas para sa 4.4 milyong pamilya. Sakop din nito ang mga subsidiya sa edukasyon na nagkakaiba mula ₱300-700 bawat buwan para sa mahigit 7 milyong mag-aaral.

“This significant funding will greatly benefit millions of our kababayans who are in dire need. As directed by President Ferdinand R. Marcos, Jr., we will ensure that 4Ps under the Bagong Pilipinas will be provided with needed funding support as this program serves as a lifeline that bridges dreams to reality for many Filipinos,” sabi ni Pangandaman.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay isang strategy ng pamahalaan sa pagbabawas ng kahirapan at isang programa ng pamumuhunan sa human capital na nagbibigay ng kondisyonal na cash transfers sa mga higit na nangangailangang pamilya sa loob ng pinakamataas na pitong taon, upang mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0-18. (PR)

Leave a comment