Ang Pahayagan

Mass trapping ng fall army worm, isinagawa

TARLAC– Nagsagawa ng mass trapping para sa mga fall army worm ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa ilang taniman ng mais sa Concepcion, Tarlac nitong ika-16 ng Pebrero.

Pinangunahan ang hakbang na ito ng Corn Program katuwang ang Regional Crop Protection Center, Tarlac Provincial Agriculture Office, at Conception Municipal Agriculture Office at isinagawa ang aktibidad sa tatlong barangay; ang Brgy. Castillo, Brgy. Magao, at Brgy. Lilibangan sa bayan ng Concepcion sa Tarlac.

Layunin ng aktibidad na pigilan ang pagdami ng fall army worm o harabas na isang mapaminsalang peste na maaring magdulot ng malawakang pagkasira sa pananim ng mga magsasaka tulad mais.

Sa nasabing mass trapping, nagkaroon ng instalasyon ng mga trap o umang gamit ang mga plastic gallon na may kasamang Pheromone Lure, tubig, at kaunting dish washing liquid. Sa pamamagitan nito, maaakit ang mga fall army worm moth na siyang simula ng siklo ng kanilang buhay. Ang nasabing trap ay maaring magtagal ng isa hanggang dalawang buwan.

Ang malawakang pagsugpo sa fall army worm ay isa sa mga plano ng DA RFO 3 na regular na isasagawa. (Ulat at larawan mula sa DA-Gitnang Luzon)

Leave a comment