SUBIC BAY FREEPORT– Upang masiguro ang kaligtasan ng kani-kanilang nasasakupan alinsabay sa kumakalat na umano’y “bomb threat”, halos magkakasabay na nagdeklara ng suspensyon ng klase para sa lahat ng antas gayundin sa trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno ang alkade ng lungsod ng Olongapo at mga bayan ng Castillejos at San Marcelino sa Zambales at maging ang pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) hapon ng Lunes, Pebrero 12, 2024.
“Meron pong kumakalat ngayon na bomb threat na ang target daw ay mga government offices. Malamang ay hoax po ito at di kailangan mag-alala. Pero para makasigurado at maging maingat na maingat: ang mga government offices po kasama ang mga schools ay suspendido na po ngayong hapon,” ayon sa abiso na inilabas sa social media account ni Olongapo City Mayor Atty. Rolen Paulino Jr.,
Kasama sa sinuspende ang klase sa mga pribadong eskuwelahan sa lungsod at maging ang mga opisina ng gobyerno na hindi kabilang sa mga essensial emergency services.

Batay naman kay San Marcelino Mayor Elmer Soria, sinabi rito na nagdulot umano ng matinding pangamba ang kumakalat na balita hinggil sa “bomb threat” sa mga eskwelahan, kaya naman kaagad siyang naglabas ng memo ng pagkakansela sa klase sa mga paaralan pampubliko man o pribadong paaralan gayundin sa ilang non-essential government office work sa kanilang bayan.
Ganap na alas-2:00 ng hapon naman nang ideklara ng SBMA na pauwiin ang kanilang mga empleyado dahilan din sa naturang bomb scare.

Nagapahayag naman ng kanyang obserbasyon si Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr., kaugnay sa naganap na bomb scare na nag-umpisa sa lalawigan ng Bataan at kumalat sa karatig lalawigan ng Zambales at Olongapo.
“Itong nangyaring ito ay kagagawan ng sira-ulo na gusting magulo ang ating sosyedad, gusto nito magkagulo lang ang ating lipunan na wala silang magawa,” pahayag sa voice recording ni Ebdane.
Sa kabila ng mga pangyayari, tama naman aniya ang reaksyon ng mga kina-uukulan sa naturang pananakot subalit hindi kailangan na masyadong mag-react na dahilan sa konti pananakot ay titigil ang galaw ng gobyerno na hindi naman dapat.
Hinikayat ni Ebdane ang mamamayan na maging mapagmatyag at ipagbigay- alam sa mga otoridad kung may nalalaman sila sa pinagmumulan ng kahalintulad na mapanakot na impormasyon.
Nag-ugat ang naturang bomb scare mula sa hindi beripikadong email ng isang nagpakilalang Japanese lawyer na si Takahiro Karasawa. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)
📸 Larawan mula sa San Marcelino Public Information Office at Ang Pahayagan


Leave a comment