MANILA– Pinaalalahanan ni Interior Secretary Benhur Abalos ang mga local government units (LGUs) na tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon na nagbabawal sa mga tricycle, kabilang ang pedicab na nagbi-byahe sa kahabaan ng mga national highway.
Bahagi ang kautusan sa ipinalabas na Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular 2023-195 na nagbabawal sa mga trike, pedicab at motorized pedicabs sa mga national roads.
Ang panawagan ni Abalos ay dahilan na rin aniya sa dumaraming aksidenteng kinasasangkutan ng mga ito tulad na lamang nang mabangga ng isang pampasaherong bus ang isang tricycle sa kahabaan ng national highway sa Labo, Camarines Norte, noong Pebrero 4.
Batay sa datos ng DILG, umabot na sa 2,241 ang natalang aksidenteng kinasasangkutan ng mga tricycle, habang nasa 2,829 naman ang mga kinasasangkutan ng bike, e bike, at pedicab para sa taong 2022 lamang.
Ang pagbabawal ay nakabatay din sa mga nauna nang memorandum circular na MC 2020-036 at MC 2020-145 na inilabas ng ahensya na parehong nagtatakda nang pagbabawal sa operasyon ng trikes, pedicab, at motorized pedicab gayundin ang road clearing sa mga national highway.
Sinabi ni Abalos na inilabas ng DILG ang MC 2023-195 upang himukin din ang mga local chief executives na magbuo o muling ipatawag ang kanilang Tricycle Task Force at pag-aralan ang kanilang “Tricycle Route Plan” gayundin ang pagkakaroon ng mga rekomendasyon sa mga probisyon para sa mga lalabag rito.
Gayunman, sinabi ni Abalos na maaaring maglabas ng exception ang mga LGU para sa kani-kanilang mga lugar na walang alternatibong tricycle at pedicab route.


Leave a comment