ZAMBALES — Pinaghahandaan na ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) ang mga preparasyon para sa itatayong Mango Processing Facility at Learning Center sa Barangay Salaza, Palauig, Zambales.
Ito ay proyekto sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) katuwang ang Regional Agricultural Engineering Division (RAED) kung saan isinagawa ang social preparation meeting sa tanggapan ng ahensiya sa Pampanga kamakailan.
Dumalo sa pagpupulong sina Regional Executive Director Crispulo Bautista, Jr., HVCDP Focal Person Engr. AB David, RAED Chief Engr. Elmer Tubig, Agricultural Program Coordinating Officer ng Zambales Jan Exequiel Soriano, Mango Stakeholders Association, Inc. President Enrico Batungbacal, Engr. Jeshiah Mercado, kinatawan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Zambales, at mga magsasakang miyembro ng grupo.
Ang Php 13.5-milyong halaga ng pasilidad ay inaasahang magpapaunlad sa sektor ng pagmamangga sa buong rehiyon at magbukas ng mga bagong oportunidad para sa ekonomiya ng Barangay Salaza sa Zambales.
Sa pambungad na pahayag ni Director Bautista, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng bawat isa para maging matagumpay ang proyekto.
“Ang hinihingi ko lang ay magkaisa tayo for the implementation para mabilis, maiwasan na madatnan ang mga contractor ng panahon ng tag-ulan. Sa mga beneficiaries, hoping na itong facility na ito ay alagaan ng mga stakeholder, mga mango growers, para ma-attain ang objective ng project na ito,” saad na mensahe ni Bautista. (Larawan at detalye mula sa Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon)


Leave a comment