Ang Pahayagan

3 PATAY, 29 SUGATAN SA BANGGAAN NG ANIM NA SASAKYAN

BATAAN—Tatlo katao – kabilang ang isang estudyante ang ini-ulat na namatay habang 29 iba pa ang nasugatan sa isang aksidenteng kinasangkutan ng isang pampasaherong bus at lima pang mga sasakyan na naganap gabi ng Miyerkules sa national highway, Bangal, Dinalupihan.

Sa inisyal na ulat mula sa Dinalupihan Municipal Police Office, sangkot sa aksidente ang isang bus ng Arayat Express, isang motorsiklo, dalawang tricycle, isang L-300 van at isang pampasaherong jeep.

Napag-alaman sa imbestigasyon na ang nasabing bus ay naglalakbay patungong Olongapo City nang umano’y mawalan ng kontrol at mabangga ang mga kasalubong na sasakyan na nasa kabilang bahagi ng highway.

Bunga salpukan, tatlo sa mga drayber at maging ang mga pasahero sa naaksidenteng mga sasakyan ang kinailangang dalhin sa James Gordon Memorial Hospital para mabigyan ng medikal na atensyon.

Nabatid pa sa ulat na tatlo sa mga pasahero ng jeepney na kinilalang sina Camille Isidro y Arceo, 25 anyos na residente ng Brgy. Naparing, Dinalupihan Bataan. at dalawang (2) hindi pa nakikilalang lalaki ang idineklarang Dead on Arrival ng attending physician sa naturang ospital.

Naging maagap ang aksyon ng mga emergency responders mula sa 911 DRRMO command center, Bureau of Fire Protection, Subic Bay Metropolitan Authority- Fire Department at Philippine Red Cross dahilan sa maagap na pag-alarma sa mga ito ni Olongapo City Vice-Mayor Jong Cortez na unang nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concern citizen na nasa lugar ng sakuna.

“Salamat sa tawag Roldan Paule Liam na mismo naka witness eksakto sa bangaan sa Bangal… Wala pa report o tawag sa mga naturang ahensya tungkol sa aksidente kundi sa tawag natin. Salamat Roldan sa tiwala sa akin at sa iyong pagkukusa at malasakit,” ayon sa kanyang post sa social media ni Cortez. (Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment