ZAMBALES— Binalangkas ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. ang mga karagdagang proyekto ng pamahalaang panlalawigan alinsabay sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan noong Disyembre 30, sa Zambales Sports Complex.
Sa harap ng libu-libong nagsidalong nasasakupan, idinetalye ng gobernador ang mga plano para sa mga pasilidad pang-medical at pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan para sa mga residente ng Zambales.
Ayon kay Ebdane, ang mga proyekto ay nakasentro sa pagpapalakas ng health care infrastructure at paglikha ng livelihood opportunities para sa mga nasasakupan.
Kabilang sa mga inisyatibong ito ay ang improvement ng San Marcelino District Hospital at Candelaria Hospital sa pamamagitan ng P30 milyong pondo mula sa Department of Health.
Nabatid kay Ebdane na nakatakda na ngayon ang relocation plan para sa San Marcelino District Hospital, kung saan may dalawang ektaryang lupain ang inilalaan para sa bagong medical facility.
Sa bayan ng Sta. Cruz ay pa-uunlarin pa ang Ospital ng Sta. Cruz sa 3-hektaryang lokasyon sa Barangay Malabago, na makikinabang rito hindi lamang mga lokal na residente kundi pati na rin ang mga taga kalapit na lalawigan ng Pangasinan.
Itinampok din aniya ang mga pagsisikap na mapataas ang kalidad ng edukasyon sa Ramon Magsaysay State University sa pamamagitan ng pag aalok ng mga bagong kurso.
Nauna rito, inihayag ng gobernador ang mga pangunahing proyektong imprastraktura sa lalawigan, kabilang na ang pagtatayo ng bagong provincial capitol building at auditorium, at renobasyon ng sports complex na inaasahang matatapos sa 2025.
Sa kabuhayan, sinabi ni Ebdane na palalakasin niya ang industriya ng palaisdaan at mangga, na kabilang sa mga pangunahing pinagkukunan ng kita ng mga residente dahil ang Zambales ay coastal at agricultural province. (Ulat at larawan ng Ang Pahayagan / JUNDUMAGUING)


Leave a comment