SUBIC BAY FREEPORT– Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang turnover ng 141 na units ng wheeled excavators na nagkakahalaga sa PhP776 milyon para sa mga field office ng National Irrigation Administration (NIA) sa isang seremonya na ginanap sa Subic Bay Freeport Zone nitong Miyerkules, Disyembre 13, 2023.
Ang naturang mga heavy equipment ay bahagi ng programa ng NIA na mapabilis ang pagpapa- unlad ng mga irigasyon sa buong bansa.

Bahagi ito sa 3 year re-fleeting program ng ahensya para sa taong 2023-2025 upang matiyak ang mahusay at epektibong operasyon at pagpapanatili ng mga sistema ng patubig.
Ang nasabing proyekto ay nagtatampok sa pagsisikap ng pamahalaan na magkaroon ng malaking epekto sa sektor ng irigasyon sa bansa, gayundin ang muling mapabuti ang produksyon sa agrikultura at kapakanan ng mga magsasakang Pilipino.
Nauna rito ay pinangunahan ng pangulo ang inagurasyon ng Balbalungao Small Reservoir Irrigation Project (BSRIP) sa Nueva Ecija.
Sa naturang okasyon ay nanawagan si Marcos ng pagtutulungan sa paglaban sa mga epekto ng El Niño phenomenon, na inaasahang tatagal pa hanggang sa ikalawang quarter ng 2024.
Pinaalalahanan niya ang mga ahensya ng pamahalaan na mabilis na subaybayan ang pagkumpleto ng mga pasilidad ng irigasyon at iba pang mga istraktura.
“We must be prepared to counter its effect, which may last until the second quarter of 2024,” saad sa talumpati ni Presidente Marcos. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)


Leave a comment