PAMPANGA– Umabot sa 450 na kidney patients sa isang pampublikong ospital sa Pampanga ang nakatanggap ng tulong medikal mula sa mga tanggapan nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano nitong Huwebes, December 7, 2023.
Bumisita ang Tulong-Medikal team ng magkapatid na senador sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH) sa City of San Fernando upang mag-abot ng tulong sa mga pasyenteng may chronic kidney disease at mga nagpapa-dialysis.
Ang mga benepisyaryo, na nagmula pa sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa Pampanga, Bulacan, Tarlac, Zambales, at Bataan, ay binigyan ng guarantee letter na magagamit nila para sa kanilang dialysis at iba pang medical procedure, mga laboratory examination, gamot, at iba pang bayarin sa ospital.
Kabilang sa kanila si Cristina Mago, residente ng Mexico, Pampanga na ang asawang si Edwin ay may stage 5 chronic kidney disease at mahigit pitong taon nang sumasailalim sa dialysis.
Nagpasalamat siya sa tulong na natanggap mula sa Tulong-Medikal team, na aniya’y “malaking tulong” para sa mga tulad niyang hindi na makapagtrabaho dahil sa pag-aalaga sa asawang may malubhang karamdaman.
“Nag-aaral pa po y’ung mga anak ko kaya sobrang hirap po talaga. Gusto ko man pong magtrabaho, hindi po ako makapagtrabaho kasi nga po may sakit po ang asawa ko at hindi ko maiwanan,” aniya.
Nakatanggap din ng tulong si Magdalena Magtoto, residente ng Subic, Zambales, para sa pagpapagamot ng kanyang kapatid na si Joycelyn na na-diagnose na may kidney stone noong 2022.
“Y’ung P10K [worth] po na guarantee letter malaking tulong po iyon. Mapupunta po iyan sa pambili namin ng mga gamot at dialyzer na gagamitin namin sa dialysis ng ate ko,” aniya.
Dagdag pa ni Magtoto, kailangan nang sumailalim sa operasyon ang kanyang kapatid sa lalong madaling panahon dahil umabot na sa limang sentimetro ang laki ng kidney stone nito.
“Nagpapasalamat po kami kasi every three months siguradong may matatanggap po ulit kami na guarantee letter mula kay Senator Alan at Senator Pia,” aniya.
Bukod sa pagbibigay ng tulong medikal, namahagi rin ang Tulong-Medikal team ng food packs sa 200 pasyente sa pediatric ward ng JBLMGH.

Nakatanggap din ng grocery packs mula sa grupo ang ilang pasyenteng Aeta na kasalukuyan noong naka-admit sa DOH-Level 3 hospital.
Ang buong araw na aktibidad ay bahagi ng inisyatibang Bayanihan Caravan ng dalawang senador kung saan nakikipagtulungan sila sa local government units at national agencies para maghatid ng iba’t ibang uri ng tulong sa mga Pilipino, lalo na ang mga kapos-palad.(PR)


Leave a comment