Ang Pahayagan

Higit sa Php2M na droga kumpiskado sa hiwalay na operasyon

ZAMBALES –Tinatayang aabot sa mahigit Php2 Milyon halaga ng ipinagbabawal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad dito sa dalawang magkahiwalay na operasyon na isinagawa sa bayan ng Subic ng lalawigang ito.

Sa isinagawang anti drug operation sa Barangay Calapacuan ng pinagsanib na operatiba mula Subic Municipal Police Station, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Zambales Provincial Office na inilunsad gabi ng Miyerkules Nov. 22, arestado ang umanoy lider ng notoryus na Janawi criminal group at dalawa nitong miyembro.

Nakumpiska sa kanila ang hinihinalang shabu na may timbang na 296 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P2,012,800.00 gayundin ang isang kalibre 38 Revolver na may anim na bala.

Nasundan pa nitong Huwebes ng isa pang operasyon na nagresulta naman sa pagka-aresto ng limang indibidwal, kabilang ang isang umano’y Regional Target drug personality at pagkakakumpiska sa Php 345,000.00 halaga ng hinihinalang shabu matapos ang buy bust operation muli sa Barangay Calapacuan.

Ang sting operation ay nakakuha ng limang (5) piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit kumulang 50 gramo umano ng shabu na tinatayang street value na Php 345, 000.00; assorted drug paraphernalia; at ang buy bust money.

Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o kung hindi man kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga naarestong suspek.

📸 Ang mga naarestong suspek nitong Miyerkules ng gabi kung saan mahigit P2 milyong halaga umano ng iligal na droga ang nakumpiska. (Larawan mula sa PNP-Zambales)

Leave a comment