MANILA– Binatikos ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Martes ang Philippine Coconut Authority (PCA) dahil sa pagkaantala ng pamamahagi ng medical assistance sa mga coconut farmer matapos abutin ng isang buong taon ang pagsusumite nito ng plano para sa programa.
Ang kasalukuyang financial year ay magtatapos sa December. Ibig sabihin, mayroon na lamang isang buwan ang PCA para maipamahagi ang natitirang P490 milyon sa mga benepisyaryo.
Binigyang-diin ni Cayetano na anim sa sampung may sakit na Pilipino ang namamatay nang hindi nakapagpapatingin sa doktor, kabilang na ang mga magsasaka ng niyog na itinuturing na “poorest of the poor” sa bansa.
“Kung sa poorest of the poor hindi natin maayos [ang serbisyo], and kung priority na ‘to (agriculture) pero ganiyan [pa rin] ang attitude, [paano pa sa iba?] I feel as disgusted as my colleagues here na [tinatanong], bakit ganoon?” pahayag ng senador.
“Kung ang talent niyo ay mag-ipon ng pondo, dapat lumipat kayo sa Landbank of the Philippines,” dagdag niya.
Ayon kay PCA Administrator Ferrer Cruz, ang pagkaantala sa paggamit ng budget para sa tulong-medikal ay dahil sa mga isyu sa PhilHealth. Aniya, ang implementing rules and regulations (IRR) na itinakda ng nakaraang administrasyon ay hindi tugma sa batas, na nagsasabing ang pera ay dapat direktang mapunta sa mga benepisyaryo imbes na ipadaan pa sa PhilHealth.
Nang tanungin ni Cayetano kung agad siyang nagsumite ng alternatibong plano sa kasalukuyang administrasyon nang mapansin ang isyu, sinabi ni Cruz na humiling lang siya ng pagsusuri noong una, at nagpasa siya ng aktwal na plano nito lang unang linggo ng Nobyembre.
“Sir, you’re the head. You’re sworn to execute the law. Ikaw ang magbibigay ng plano,” wika ng senador.
“Hindi ka nababagalan na one-and-a-half year na ang Presidente saka ka pa lang gagawa ng plano?” dagdag niya.
Hinimok ni Cayetano ang PCA na mag-“step up nang kusa” sa pagtugon sa mga pangangailangan ng sektor ng agrikultura sa halip na iasa lahat sa Pangulo.
Hiniling niya sa ahensya na magsumite ng timeline sa Department of Agriculture upang maiwasan ang anumang pagkaantala sa paghahatid ng mga serbisyo sa sektor sa hinaharap. “‘Wag natin pong sayangin ang [almost one] hundred billion [na nakalaan sa kanila sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act,” ani Cayetano.###


Leave a comment