Ang Pahayagan

Tripulanteng nasagip mula sa isang tanker, dinala sa Subic

ZAMBALES– Ligtas na dumating sa Subic Bay Freeport ang labing anim (16) na crew na lumikas mula sa MT King Rich matapos magkaroon ng problema ang makina ang naturang chemical tanker noong Linggo, Nobyembre 19.

Sa ulat ng Philippine Coast Guard-Zambales, gumamit ng life raft ang mga tripulante matapos abandonahin ang kanilang barko malapit sa Badoc Island, Ilocos Norte.

Napag-alaman mula kay Capt.Van Swandi, skipper ng barko, nasira ang propeller shaft ng MT King Rich kaya nagsimulang bumaha sa engine room. Sinubukan ng crew na ilabas ang tubig subalit nagpatuloy pa rin ito hanggang sa ipag-utos ng kapitan sa mga tripulante ang paglikas sakay ng isang life raft.

Tiniyak ng crew na walang tatagas mula sa kanilang engine at gasoline tank bago umano nila iwan ang chemical tanker. Wala rin umanong chemical cargo ang barko nang mangyari ang insidente.

Nailigtas ang mga tripulante nang mapadaan ng MV Sheng An, isang Hong Kong flagged vessel.

Nitong Lunes, 20 Nobyembre ay nagsagawa ng aerial survey ang Coast Guard Aviation Force (CGAF) upang suriin ang kalagayan ng distressed chemical tanker na nananatiling lumulutang sa karagatan.  Aktibo rin ang PCG sa pakikipag ugnayan sa concerned shipping company para sa paghila ng MT King Rich. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

📸 Ginawaran ng certificate of recognition ng Philippine Coast Guard ang mga crew at officers ng MV Sheng An na tumulong sa pagsagip sa mga tauhan ng distressed ship na MT King Rich, (Screen grab mula sa PCG video)

Leave a comment