Ang Pahayagan

Bio-fertilizer derby, idinaos ng DA Central Luzon sa Bulacan

BULACAN– Nagdaos ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon, sa ilalim ng Rice Banner Program, ng Bio-Fertilizer Derby Field Day sa Barangay Tarlan, Baliwag City, Bulacan noong ika-18 ng Oktubre.

Ito ay naging matagumpay sa pakikipagtulungan sa Office of Provincial Agriculture, Municipal Agriculture Office, at Lokal na Pamahalaan ng Bulacan.

Ipinahayag din ni Agriculturist Technician II Jake Oneal Garcia, kinatawan ng Rice Banner Program, ang kahalagahan ng aktibidad.

“Layunin nating mabawasan ang paggamit ng nitrogen para maiwasan ang pagka-toxic ng ating mga lupa, kailangan po nating isaalang alang ang buhay ng ating lupa. Dito ay mababalanse natin tamang paggamit ng Bio-Fertilizer,” pahayag ni Garcia.

Dumalo rin ang Research Division na nireprisinta ni Senior Science Research Specialist na si Thelma Lingat.

Sa pamamagitan ng Derby na ito, nais ng DA na maipakita ang mga benepisyo ng mga biological fertilizer, palakasin ang epektibong paggamit nito, at dagdagan ang kita ng mga magsasaka.

Ibinida ng pitong kumpanya ang kanilang mga produkto na may kinalaman sa bio-fertilizer, maging ang kanilang mga teknolohiyang maaaring magdulot ng malaking tulong sa mga magsasaka upang mapabuti ang kalidad ng kanilang pananim at mapababa ang gastos sa pataba.

Samantala, nagbahagi ng impresyon sa naging resulta ang farmer cooperator na si Erwin Malacca na kung saan ayon sa kaniya, ang pagkakaroon ng kaalaman ukol sa mga bio-fertilizer at ang kanilang tamang paggamit ay isang malaking tulong sa kanilang mga kabukiran.

Natutunan niya na ang mga bio-fertilizer ay hindi lamang makakatipid sa kanilang gastos kung ‘di makatutulong din sa kalusugan ng kanilang pananim.

Leave a comment