ZAMBALES–Tukoy na ng Philippine Coast Guard ang foreign commercial vessel na posibleng nakabangga sa bangkang pangisda na FFB DEARLY na ikinasawi ng tatlo katao na naganap malapit sa Bajo de Masinloc noong Lunes, Oktubre 2.
Ayon sa pinakahuling ulat ng PCG, lumalabas na tanker vessel ang tumutugma sa isinagawang cross-referencing, base na rin sa mga detalye at lokasyon na ibinigay ng mga nakaligtas na mangingisda.
Subalit pansamantalang hindi muna ibinunyag ang pangalan ng naturang barko para sa mas malalim pang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Bahagi sa ulat ang mga kinalap na testemonya ng mga nakaligtas sa insidente gayundin ang ispesipikong lokasyon ng payao na 85 NM northwest sa Bajo de Masinloc o 180 NM sa Agno, Pangasinan.
Napag-alaman na naganap ang insidente noong Oktubre 2 dakong ika-4:20 ng madaling-araw habang naka atraka ang FFB DEARYN sa kanyang payao nang mabangga ito ng hindi agad natukoy na barko.
Sa naturang insidente, tatlo sa 14 na tripulante ng FFB DEARYN ang nasawi.
Isinalaysay ng mga nakaligtas na ang anim sa kanilang kasamahan ay na-iwan sa mother ship habang ang iba ay nangingisda sa iba’t-ibang lokasyon gamit ang mga service boats.
Narekober ang bangkay ng mga nasawi sa pilot house ng bangka bandang 8;00 ng umaga at ginamit ng mga ito ang kanilang service boats upang makaraing sa Cato, Infanta, sa lalawigan ng Pangasinan upang isumbong sa mga awtoridad ang insidente.
Tiniyak ng PCG na hahanapin ang nasabing barko sa kasunod na port stop nito. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)
📸 PCG


Leave a comment