Ang Pahayagan

Mga residente ng Hanjin Village nagprotesta kontra ebiksyon sa kanilang housing units

ZAMBALES – Muling nagkilos protesta ang mga dating manggagawa ng nabangkaroteng Hanjin shipyard sa harap ng Hanjin Bayanihan Village nitong Sabado, Setyembre 23, upang anila’y labanan ang patuloy na pagpapa-alis sa kanila ng developer sa mga housing units na inookupahan sa Sitio Nagbayto, Barangay Nagbunga, Castillejos, Zambales.

Nabatid sa mga miyembro ng Hanjin Village Homeowners Association (HVNA) na ang kanilang aktibidad ay bahagi sa mga serye ng pagkilos hanggang Oktubre 2 alinsabay sa selebrasyon ng World Habitat Day.

Giit nila na isailalim na sa iskemang “usufruct” ang proyektong pabahay na itinayo sa 30 ektaryang lupain na donasyon umano ng kumpanya para sa mga manggagawa sa ilalim ng corporate social responsibility program nito.

Ang Pag Ibig Fund din umano ang naglaan ng pondo sa pagpapatayo ng mga housing unit para sa mga kwalipikadong manggagawa, habang ang pribadong developer na Fiesta Communities ang nagtayo ng mga pabahay rito.

Ayon kay Krystal Joy Torres, pangulo ng HVNA, iminungkahi na nila ang usufruct scheme sa ginanap na pakikipag-pulong sa lokal na pamahalaan ng Castillejos kamakailan. Sa ilalim ng sistemang usufruct ay ibibigay sa kanila ng karapatang gamitin ang mga bahay na inuokopahan subalit hindi ito maaaring maibenta.

Napag-alaman pa na bilang isang dating manggagawa ng Hanjin shipyard ay nakapaghulong na umano ng halos limang taon ang marami sa mga residente subalit natigil ang mga ito sa pagbabayad nang magsarado ang kumpanya. Nakadagdag din na pahirap sa kanila upang magbayad ang tatlong taon ng pandemyang Covid-19.

Octubre 2022 nang simulant ng Fiesta Communities  ang pagpa-alis sa mga homeowners na hindi na nakakabayad. Ipinatupad din nito ang buy back scheme kung saan ang mga hindi nakapagbayad ay hiniling na isuko ang kanilang units sa Fiesta para muling ibenta sa ibang nais bumili nito.

Nagreklamo rin ang ilang residente na puwersahan umano binuksan ang kanilang mga unit habang walang tao at napalitan na ng kandado sa kanilang pagbalik.

Kinukuwestiyon ng mga homeowners kung bakit nabigyan ng karapatan ang Fiesta Communities na palayasin sila samantalang ang lote kung saan itinayo ang mga yunit ng pabahay ay donasyon ng Hanjin sa mga manggagawa, at ang pondong ginamit sa pagtatayo sa naturang mga bahay ay nagmula sa Pag-Ibig, na isang ahensya ng pamahalaan.

Sa ginawang protesta ng HVNA ay sabaysabay na pinunit ng mga ito ang ipinadalang “Notice of buyback with demand to pay” ng Fiesta Communities. (Ulat ng Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment