Ang Pahayagan

Soil conditioner at plant growth enhancer techno-demo ng DA-3 isinagawa sa Orion

BATAAN— Ibinida ng ilang kumpanya ang kanilang bagong teknolohiya sa ginanap na Technology Demonstration ng mga Soil Conditioner at Plant Growth Enhancer nitong Miyerkules, Setyembre 20 sa Daan Bilolo, Orion, Bataan.

Ang field day ay pinangunahan ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon katuwang ang Office of Provincial Agriculture (OPA) ng Bataan at Municipal Agriculture Office (MAO) ng Orion.

Sa naturang aktibidad ay pinakita sa mga magsasaka at iba pang stakeholders ang mga makabago at epektibong paraan upang mapalago ang kanilang mga pananim at mapabuti ang kalidad ng lupa.

Nilalayon din nito na mapalaganap ang kaalaman ng mga magsasaka tungkol sa soil conditioning at plant growth enhancing na magpapabuti sa ani at kalidad ng mga produkto sa Gitnang Luzon.

Tatlong klase ng soil conditioner at plant growth enhancer na gawa ng tatlong agriculture companies; ang Farmer’s Friend Soil Conditioner ng CHC Agritech, Unigrow Soil Conditioner ng JCV Worldwide Traders Corp, at Effective Microorganism Activated Solution with Lactic Acid Bacteria and Amino Acid Organic Liquid Foliar Fertilizer ng Global Green Organic Fertilizer Inc. ang iprinisinta rito.

Naging bahagi sa programa ang mensahe ng Farmer Cooperator na si Renato Sabino, nagmamay-ari ng napiling lupang ginamit para sa techno-demo.

“Napakahalaga ng ganitong mga demonstrasyon para sa amin. Base sa isinagawang field tour kanina, lahat ay maganda ang naging resulta,” sambit niya.

Sa tulong ng mga teknolohiyang ito, umaasa ang DA, OPA Bataan, at MAO ng Orion na maiahon ang kalidad ng pagsasaka sa rehiyon at mas mapabuti ang buhay ng mga magsasaka.

Ang teknolohiyang demonstrasyon ay isa lamang sa mga hakbang ng gobyerno upang masuportahan ang mga magsasaka at mapalaganap ang makabagong kaalaman sa pagsasaka.

📸 Larawan mula sa DA-Gitnang Luzon

Leave a comment