SUBIC BAY FREEPORT– Mahigit 5,000 trabaho ang posibleng malikha sa inanunsyong pagpapalawak ng operasyon ng Nidec Subic Philippines Corp. sa Subic Bay Freeport zone.
Ayon ito kay Nidec President Takeshi Yamamoto sa ginanap na awarding of certificate of registration (COR) with incentives under the Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (Create) Law noong Lunes, Septyembre 4, taong kasalukuyan.
Ang naturang Japanese company na Nidec Subic Philippines Corp. ay may 622 empleyado sa ngayon, at ito ay naglaan ng P4.2 bilyon para sa gagawing expansion project nito.
Ipinagmamalaki ni Yamamoto na pinili ng kumpanya ang Subic Bay Freeport para sa pagpapalawak ng kumpanya nito dahilan aniya sa estratehikong lokasyon nito upang madaling ilako ang kanilang produkto sa European Union, Estados Unidos, Brazil, South Korea at China.
Layunin ng pagpapalawak ng Nidec Subic Philippines na makagawa ng mga gearbox mula sa labas ng bansang Japan, kabilang na rito ang bagong produktong Kinematix gearbox na ginagamit sa mga industrial robots.
Pinangunahan ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Jonathan Tan ang seremonya ng paggawad sa COR kina Nidec Subic President Yamamoto at General Manager Marissa Tamayo.
Dumalo rin sina Renato Lee 3rd, SBMA Senior Deputy Administrator for Business and Investment at si Karen Magno, Manager ng Business and Investment Department for manufacturing and maritime.
“This is certainly a milestone for Subic Freeport as this new product will be solely manufactured by Nidec Subic,” ayon kay Tan.
Ang Nidec Subic ay isang Japanese manufacturing company na itinatag sa Subic Freeport noong Hulyo 14, 1998. May planta ito sa Subic Technopark, Argonaut Highway, Boton Area, na sumasakop sa kabuuang 96,472 square meters na lupain. (30)


Leave a comment