Inisa-isa ni Senador Alan Peter S. Cayetano ang ilan sa mga diplomatikong aksyon na pwedeng gawin ng Pilipinas bilang tugon sa magkakasunod na agresibong pag-atake ng China Coast Guard sa mga sasakyang-dagat ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.
“We should do everything, but kailangan natin ng wisdom here. If you hate your enemy at magiging emotional ka, you will stop studying their history, their stand, and their reaction on whatever we will do,” punto ni Cayetano sa isang media interview nitong August 7, 2023.
Ani Cayetano, na nagsilbi bilang Foreign Affairs Secretary noong 2017-2018, malinaw na isa sa mga maaaring gawin ng Pilipinas ay maghain ng diplomatic protest.
“I don’t agree with megaphone or microphone diplomacy, but (we have to file a diplomatic protest) kapag ganito kasi ka-blatant and also for the morale of our men and women in the coast guard and also for our neighbors to see that hindi man tayo papayag,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Cayetano, “holistic approach” ang ginawa ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng administrasyong Duterte noong kanyang panunungkulan bilang kalihim. Aniya, isinasaalang-alang nila ang “people-to-people relations”, ekonomiya, turismo, at posibleng partisipasyon ng China sa mga proyektong pang-imprastraktura ng bansa.
Ayon kay Cayetano, naghain lamang sila ng mga diplomatic protest “kung kinakailangan.” Dagdag niya, hindi nawawala o humihina ang claim ng Pilipinas sa WPS kapag hindi ito nagsasampa ng protesta.
“It was a fake news that if you don’t protest, mawawala y’ung claim mo diyan. That was a misinformation to our people. So once we clarified that, we used it when necessary,” aniya.
Nang tanungin kung dapat bang ipatawag ng gobyerno ng Pilipinas si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, sinabi ni Cayetano na maaari rin itong gawin basta’t bahagi ng layunin ay ang magkaroon ng “heartfelt dialogue.”
“Yes in the sense that it’s important to show our indignation, that this is unacceptable, but it should actually include a very heartfelt dialogue,” aniya.
Sinabi ni Cayetano na magiging kapaki-pakinabang para sa Pilipinas na ipagpatuloy ang pagsusulong ng Code of Conduct kasama ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
“What if for some reason, China withdraws from the WPS? We will still not be at a strategic advantage because Vietnam has 11 within our EEZ (Exclusive Economic Zone), Malaysia has 5, Taiwan medyo malaki na ang reclamation,” aniya.
Hinimok ni Cayetano ang gobyerno na maging bukas sa joint exploration ng langis at gas kasama ang China. Aniya, nagiging daan tungo sa kapayapaan kung ang dalawang bansa ay parehong nakikinabang.
Dagdag niya, “safe” naman ito basta’t may “magandang legal framework.”
“We should really ask China, ‘Are you still interested in joint exploration of oil and gas?’ ‘Pag mag-partners kayo at pareho kayong nakikinabang diyan sa oil and gas, definitely may peace. It is a technique,” aniya.
“Ang magkapitbahay pwedeng mag-away everyday for whatever reason, pero kung ang kapitbahay are business partners and maganda ang takbo ng business, they will not fight with each other,” dagdag niya.
Posibleng epekto ng China-US rivalry
Kung bakit biglang bumalik ang China sa panggigipit matapos ang ilang taon ng mas mapayapang kooperasyon sa pagitan ng dalawang Coast Guard sa ilalim ng administrasyong Duterte, sinabi ni Cayetano na naniniwala siyang may “mas malalim na dahilan” sa likod nito.
“Sobrang disturbing na may magandang meeting, tapos the Senate showed firm resolve against China with multiple diplomatic options, and then suddenly something like this happens. I’m quite sure that there’s something behind this,” aniya.
Sa tingin ni Cayetano, isa sa mga dahilan ng mga agresibong aksyon ng China ay ang pagiging malapit ng Pilipinas sa Estados Unidos.
“May mga nangyayari diyan on the ground na naiipit tayo minsan sa strategic rivalry ng US at China,” aniya.
Aniya, upang matuldukan na ang mga agresibong pag-atake ng Chinese Coast Guard sa mga Pilipino, kailangang makipag-usap ang gobyerno ng Pilipinas sa Chinese Government “at a very high level.”

“We really have to see them at a very high level and [ask], ‘What’s causing all of these? Why the sudden aggression and harassment?’ May malalim [na dahilan] diyan (sa attack),” ani Cayetano.
“That’s why I’m in favor of President Duterte becoming a very very special, senior minister type of special envoy. Pero hindi lang isang upuan ito, and it should be done on the highest level,” dagdag niya.(PR)


Leave a comment