Ipagdiriwang ng lungsod ng Olongapo ang ika-57th cityhood nito ngayong Hunyo 1 sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya kung saan inanunsyo din ang pagkakaroon ng halos isang buwang mga aktibidad kaugnay sa anibersaryo ng kanyang pagkakatatag.
Ang Olongapo ay naging chartered city noong Hunyo 01, 1966 matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Republic Act 4645 na isinulong noon nina Ramon Magsaysay Jr sa Kongreso at Genaro Magsaysay sa Senado.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ngayong 2023, unang lalarga sa umaga ng Sabado, Hunyo 3 ang Bangka-rera at ang biggest Sunset Beach Party sa Barangay Barretto beach area.
Magkakaroon din ng Tsuper Family Day na pagbibigay ng pagpapahalaga sa mga ‘tsuper ng Gapo’ kung saan may libreng haircut at massage services para sa kanila sa Hunyo 10, Sabado, sa Marikit Park.
May pa-Binggo din na ang maglaro ay puwedeng manalo ng hanggang 30,000 pesos sa Hunyo 10, Sabado, sa Rizal Triangle Covered Court.
Gaganapin sa SM City Olongapo Central ang prestihiyosong art exhibit na “Dahuyo” (enchant) sa Hunyo 17, 2023 at sa gabi naman ay lalarga ang kauna-unahang Neon Fun Run and Party na isang 3-kilometer fun run na magsisimula at magtatapos sa Marikit park.
Ang pinakabonggang aktibidad ay sa Hunyo 24 gaganapin ang “grand electric light parade” – kung saan ipaparada mula Rizal Triangle patungong Magsaysay Drive ang mga pina-ilawang float. Ito na din ang hudyat ng simula ng “Kalye Kasiyahan” na magtatampok ng mga lokal na banda at artista para sa isang gabi ng saya at musika.


Leave a comment