SUBIC BAY FREEPORT — Naglabas ng show cause order ang Social Security System (SSS)- Olongapo City branch office, laban sa sampung (10) delinquent employers umano sa loob ng freeport alinsunod sa Run Against Contribution Evaders (RACE) campaign na isinagawa ng ahensya nitong Mayo 18.
Layunin ng kampanyang RACE na magkaroon ng kamalayan sa obligasyon ang mga employer na bayaran ang mandatory premium contributions ng kanilang mga miyembro empleyado sa SSS.
Inihatid ng isang team na pinamumunuan ni Gloria Corazon Andrada, vice president ng SSS Luzon Central 2 Division, at Atty Vic Byron Fernandez, hepe ng SSS Central Luzon Legal Department, ang naturang mga order sa mga delinquent business owners at ipinaalalahanan din ang mga ito sa kanila ang obligasyon na i-remit ang kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
“Based on preliminary inspection conducted on this establishment to determine compliance with the mandatory provision of the Social Security Act of 2018 (RA 1119), you are enjoined to settle your SSS legal obligations with the option to avail of the SSS contribution penalty condonation delinquency management and restructuring program for business employers.” pagdidiin sa kautusan.
Ayon kay Fernandez, ang proyektong RACE na nagsimula noon pang 2017 ay bumibisita sa mga delinquent establishment owners at mga account officers ng mga ito upang ipaalala ang kanilang obligasyon at harapin ang mga legal consequences kung hindi susundin ang utos sa loob ng ng 15 araw.
Nabatid naman kay Andrada na ito ang ikalawang pagkakataon na isinagawa ng SSS Olongapo City branch ang pagbibigay ng notice para sa mga delinquent employers sa loob ng Subic Bay Freeport. Ang unang operasyon ay isinagawa noong nakaraang Abril 28 na sumasaklaw sa 10 kumpanya.
Sinabi naman ni Marites Dalope, Olongapo City SSS Branch head, may kabuuang 606 empleyado ang makikinabang kapag naayos na ng 20 kumpanya ang kanilang obligasyon sa SSS.
Mayroon pa umanong natukoy na 3,031 delinquent companies na patuloy na mino-monitor ng SSS branch dito, dagdag ni Dalope. Ayon pa kay Dalope, ang Olongapo SSS Branch ay naka-kolekta na mula sa RACE project ng halagang P39.38 million total revenue nitong Marso ng taong ito. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni JUN DUMAGUING)


Leave a comment