Ang Pahayagan

Subic LGU pinagtibay ang mga cultural sites ng munisipalidad

ZAMBALES – Pinagtibay ng lokal na pamahalaan ng Subic sa pangunguna ni Mayor Jon Khonghun ang pagpapahalaga ng kanilang munisipalidad sa walong (8) cultural properties alinsunod sa itinatakda ng National Cultural Heritage Act.

Kabilang sa mga cultural properties na tinukoy batay sa masusing pananaliksik na isinagawa ng Municipal Tourism Office, ang mga simbahang tulad ng St. James Church at Aglipayan Church na parehong nasa Barangay Asinan Poblacion; San Isidro Labrador Chapel sa Barangay Matain at ang Philippine Independent Church (Aglipay Church) San Roque Chapel sa Calapandayan,

Ang iba pang tinukoy na mga cultural sites ay ang Mount Bukilyaok sa Barangay San Isidro na minamantine ng lokal na pamahalaan; ang mga imahe ng Senior Dela Columna, na pag-aari ni Clemente del Carmen at nasa pangangalaga ng Tala-Gutierrez-Lacbain families sa Barangay Asinan Poblacion; ang Santo Entierro (Holy burial image of the Dead Christ) at ang Sta. Maria Dolorosa (Una ng Pitong Hapis), na pinapangalagaan ng Afable family sa Barangay Baraca-Camachile.

Ang mga cultural properties na ito ay opisyal na pinagtibay ng LGU sa pamamagitan ng Sangguniang Bayan Resolution No.72 na ipinasa noong 2021 at Sangguniang Bayan Resolution No.54, na inaprubahan noong 2022.

Ang adoption of cultural properties ay kinakailangan sa ilalim ng Republic Act No. 10066, o ang National Cultural Heritage Act of 2009 at Joint Memorandum Circular No. 2018 01 ng National Commission on Culture and Arts, at Department of Interior and Local Government, alinsunod sa inamyendahang Joint Memorandum Circular No. 2021-001.

Ang National Cultural Heritage Act ang bumuo sa Philippine Registry of Cultural Property (PRECUP) na gumagawa ng mga hakbangin para mapanatili o mapreserba ang mga makasaysayang gusali na higit sa 50 taong gulang.

Leave a comment