Ang Pahayagan

HD Hyundai, gamitin ang pasilidad sa dating Hanjin shipyard sa Subic

ZAMBALES- Nagpahayag ng interes ang HD Hyundai na gamitin ang dalawang drydock na naiwan sa dating pasilidad ng Hanjin para sa shipbuilding operation nito sa Redondo Peninsula, Subic.

Bahagi ito sa pakikipag-usap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyales ng US-based Cerberus Global Investment LLC kung saan isa sa natalakay ang interes ng HD Hyundai sa mga naiwang pasilidad ng Hanjin.

Ang kumpanyang Cerberus Global Investment ang nakakuha sa Subic shipyard noong nakaraang taon at kasalukuyang nagsasagawa ng renobasyon sa nasabing shipyard.

Sinasabing balak ng HD Hyundai Korean shipbuilder na umpisahan ang kanilang proyekto bago matapos ang taon.

Kapag naging ganap ang operasyon nito ay inaasahan na makakalikha ito ng 15,000 trabaho.

Nauna nang nagpahayag ng interes ang Hyundai na makapag-operate ng kanilang maintenance depot sa Subic para sa mga Hyundai-built Philippine Navy vessel.

Ang Hyundai ang gumawa sa unang dalawang missile frigate ng Philippine Navy at may kontrata din ito para sa dalawa pang anti-submarine corvette at offshore patrol vessel.

📸 Ang mga manggagawang Filipino sa completion ceremony ng M/V CMA CGM Antoine De Saint Exupery, isa sa pinakamalaking barko na nagawa sa Hanjin shipyard noong kasagsagan ng operasyon nito. (File photo JUN DUMAGUING / Ang Pahayagan)

Leave a comment