Ang Pahayagan

Lumba Tamu Zambales 2023 sisikad na

ZAMBALES—Lalarga na ang pinakahihintay ng mga siklista na Lumba Tamu Zambales 2023, ang pinakamalaking karera ng bisikleta na gaganapin sa Abril 27 na bahagi sa mga aktibidad ng Dinamulag Festival.

Ang 197-kilometrong bikathon na nahahati sa Open Professional, Open Amateur (18yrs old below), at Open Elite (19yrs old above) Category ay itinataguyod ng Zambales Provincial Tourism Office sa pakikipagtulungan ng Zambales Sports and Youth Development Office.

Tatahakin ng karera ang pangunahing lansangan ng Zambales mula sa Subic hanggang Sta. Cruz at babalik sa kabisera ng lalawigan na Iba kung saan ito magtatapos.

Sa kategoryang Open Professional ay nagparehistro ang mahigit sa 50 professional cyclist mula sa mga koponang Philippine Navy Standard Insurance (PNSI), 7-eleven Cliqq Air 21 by Road Bike Philippine, Go for Gold, Excellent Noodles, Dreyna at Dandex Multi Sports.

Ang ilan sa mga kilalang sasali sina El Joshua Cariño, Ronald Oranza, George Oconer, Jun Rey Navarra ng PNSI; Rostum Lim  ng Go for Gold; Marcelo Felipe at Mark John Lexer Galedo ng koponang 7-eleven Cliqq; ang taga-Tipo, Bataan na si Rudy Roque (individual) at ang Zambaleñong si Aldeneil Cabuso, bitbit ang LV Cycle Team.

Sasabak din ang Zambaleñong si Ronald Lomotos (PNSI) na kampeon ng Ronda Pilipinas 2022.

May espesyal na partisipasyon din si 30th Southeast Asian Games medalist Jermyn Prado na makikipagsabayan sa mga kalahok na siklistang propesyunal bilang ensayo sa nalalapit na SEA Games sa Cambodia.

Mahigit 400 naman na mga siklista mula sa Metro Manila, Southern Tagalog – CALABAR provinces, Central at Norther Luzon ang magpapaligsahan sa mga kategoryang Open Amateur (18yrs old below) at Open Elite (19yrs old above). (Ulat ng Ang Pahayagan News Team)

Leave a comment