ZAMBALES—Nagsagawa ng piket ang asossayon ng mga residente ng Hanjin Village sa bayan ng Castillejos upang hilingin ang tulong ng pinunong lokal hinggil sa anila’y panggigipit ng housing developer sa mga residenteng hindi nakakabayad sa kanilang mga bahay matapos mawalan ng trabaho mula sa dating shipbuilding facility.
Ayon kay Krystal Joy Flores, President ng Hanjin Village Neighborhood Association, idinulog nila sa Pamahalaang Bayan ng Castillejos ang kanilang hinaing makaraan na i-padlock umano ng Fiesta Communities na developer ng Hanjin Village sa Barangay Nagbunga ang ilang kabahayan na hindi nakakapaghulog sa buwanang bayad para sa kanilang pabahay.
Napag-alaman na ang mga residente sa naturang mga pabahay ay mga manggagawa sa dating Hanjin shipbuilding facility na nagsara noong Enero 2019 makaraang mabangkarote ang nasabing Koreyanong korporasyon.
Ayon pa kay Flores, naging positibo naman ang pakikipag-usap ng kanilang asosasyon sa ilang miyembro ng Sanggunian Bayan ng Castillejos sa pangunguna ni Vice-Mayor Christian Esposo.

Nangako si Esposo na idadaan ng konseho sa tamang proseso ang pagdinig sa reklamo ng mga residente at kinakailangang magsumite pa ng karagdagang ebidensiya ang mga ito hinggil sa alegasyong pag-padlock sa kanilang mga bahay.
Ipapatawag din sa mga susunod na pagdinig ang Fiesta Communities housing developer gayundin ang kinatawan mula sa Pag-ibig Fund upang alamin ang estado ng mga apektadong residente sa Hanjin Village. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni JUN DUMAGUING)
📸 Larawan mula sa Hanjin Village Neighborhood Assn.


Leave a comment