Ang Pahayagan

Cayetano, mga kapwa-senador nanawagan sa PNP na aksyunan ang serye ng pamamaril at pagpatay sa mga local official

Mariing hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano at 15 iba pang senador  ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na tugunan ang serye ng mga pag-atake laban sa mga local government official at mga sibilyan na humantong sa pagkamatay at pinsala.

“The Senate of the Philippines, in the strongest sense, urges the Philippine National Police and other law enforcement agencies to exert all efforts to bring the perpetrators to justice,” wika nina Cayetano at mga kapwa senador sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Resolution No. 517 na kanilang inihain noong Lunes, March 6, 2023.

Ito ay matapos patayin ng mga armadong lalaki si Negros Oriental Governor Roel Ragay Degamo noong Marso 4, 2023 sa kanyang sariling tahanan sa Pamplona, Negros Oriental. Ito na ang ika-apat na pag-atake laban sa mga lokal na opisyal ngayong taon.

Ikinalungkot ng mga senador na sa loob lamang ng 15 araw — mula February 17 hanggang March 4 ngayong taon — dalawang mga local executive at labing-pitong sibilyan na ang napatay ng mga armadong lalaki. Dalawa naman ang nasugatan.

Dalawang magkahiwalay na kaso ng pananambang noong Pebrero ang nagresulta sa pagkasugat nina Governor Mamintal Adiong Jr. ng Lanao del Sur at Mayor Ohto Montawal ng Datu Montawal, Maguindanao.

Si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at lima pang kasama niya ay tinambangan at napatay sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Binigyang-diin ng mga senador ang pangangailangang hulihin agad ang mga kriminal hindi lamang para sa mga biktima at kanilang pamilya kundi para matiyak na pinapairal ang batas sa lahat ng pagkakataon para sa isang maayos at mapayapang lipunan.

Binanggit nila ang isang survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre na nagpakitang 50 porsiyento ng 1,200 Pilipino ay nagsabing natatakot silang maglakad sa lansangan sa gabi “dahil hindi ito ligtas.”

Ipinahayag ng Senate Resolution No. 517 ang pagkondena sa sunud-sunod na mga pagpatay at pag-atake laban sa mga opisyal ng gobyerno at sibilyan. Hinimok din ng mga senador ang PNP at iba pang mga law enforcement agency na isagawa ang mga hakbang para tiyakin ang kaligtasan ng lahat. “Injustice and violence do not have a place in any civilized society, and no cause justifies brutalities against the lives of all persons,” wika ng mga senador. (30)

Leave a comment