ZAMBALES– Inasistehan ng Philippine Coast Guard ang pagdating sa Subic Bay ng MV EFES na sumagip sa may 20 tripulante ng MT Princess Empress na napa-ulat na bahagyang nakalubog sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro.
Nabatid na ang MT Princess Empress ay naglalayag mula Bataan patungong Iloilo na may lulang tinatayang 800,000 litro ng industrial fuel oil.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang naturang tanker ay nagkaroon ng problema sa makina kung kaya’t nagpalutang-lutang lamang ito sa karagatan malapit sa Balingawan Point kung saan napa-ulat na itong half-submerged.
Sa kasalukuyan ay patuloy na binabantayan ng Philippine Coast Guard ang motor tanker upang matiyak na walang magaganap na oil spill.
Sa pinakahuling obserbasyon ng PCG ay tanging diesel oil pa lamang ang nakikita sa lugar at hindi pa ang industrial o unrefined oil na karga ng tanker.
Ipinadala na PCG ng BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) at Coast Guard District Southern Tagalog upang magbigay ng kinakailangang tulong at suriin ang mga kalapit na katubigan para sa posibleng bakas ng oil spill.

Ang mga nasagip na crew ay agad na dinala sa ospital sa Subic kagabi upang masuri ang kanilang pisikal na kalagayan. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)
📸 Larawan mula sa PCG.


Leave a comment