MANILA– Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 14 na tripulante ng isang cargo vessel na sumadsad sa dalampasigan ng Lubang sa Occidental Mindoro nitong Linggo, Pebrero 26.
Ayon sa ulat ng PCG, dakong alas-9 ng umaga noong Linggo, habang naglalayag ang MV Manfel V mula sa Subic, Zambales na patungo sana sa Bauan, Batangas nang magkaroon ng engine trouble malapit sa Fortune Island.
Dahilan ito upang magpalutang-lutang ang naturang barko sa Lubang at tuluyan nang sumadsad may 110 metro ang layo sa dalampasigan ng Barangay Maligaya.
Sa maagap na pagresponde ng PCG Station Occidental Mindoro sa distress signal mula sa barko ay nailigtas ang mga tripulante kabilang ang kapitan ng barko na kinilalang si Captain Radie Brillante.
Ang MV Manfel ay isang general cargo ship na may timbang na 498.72 toneldada at ino-operate ng Manfel Cargo Shipping na nakabase sa Taguig City.
Patuloy pa rin nan aka-antabay ang mga tauhan ng PCG sa lugar ng insidente upang agapan kung sakalit magkaroon ng senyales ng oil spill na posibleng makasira sa maritime environment dulot sa pagsadsad ng naturang barko.
📸 Larawan mula sa PCG


Leave a comment