SUBIC BAY FREEPORT- Pinatunayan ng ilang para-triathlete na hindi hadlang ang pagiging may kapansanan upang ipakita ang gilas sa katatapos na National Age Group Triathlon series nitong Linggo, Enero 29.
Kabilang sa mga sumabak sa naturang torneo ang kambal na kapwa visually impaired na sina Joshua at Jerome Nelmida, ang mga amputee triathletes na sina Alex Niño Silverio, Edison Badillo, Jake Lacaba at Raul Angoluan.


Ang magkapatid na Nelmida at kasama si Silverio na kabilang sa inisyal na tatlong mga atleta ng national paratriathlon training team na binuo noong 2018 bago pa tumama ang pandemyang Covid-19.


Taal na Cebuano si Silverio na naputulan ng braso dahil sa isang aksidente at upang mapaglabanan ang depresyon ay minabuting pursigihin ang pagiging atleta. Nakasama siya sa kinatawan ng bansa sa 2021 Southeast Asian Games (SEAG) Para Games sa Vietnam.


Si Badillo naman na one-legged cyclist na naging pursigido noong kasagsagan ng pandemya kung saan ang bisikleta ang pangunahing moda ng transportasyon. Kabilang siya sa atletang sumasali sa National Para Games ng mga larong wheelchair basketball, swimming, long-jump at high-jump.

Ang tubong Tacloban naman na si Lacaba ay ipinanganak na may cleft lip at iisang paa at ito ay isang mekaniko ng bisikleta sa kasalukuyan. Sumabak ito sa kanyang kauna-unahang kompetisyong sinalihan na Mt. Mayon Triathlon Championship sa Albay noong Agosto ng nakaraang taon.

Si Angoluan naman ay double-arm amputee na tubong Cabagan Isabela at isang beteranong ultra-marathoner bago sumabak sa triathlon.
📸 Mga larawan kuha ng Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING


Leave a comment