SUBIC BAY FREEPORT— Bukas umano sa pakikipag-usap kay Albay Congressman Joey Sarte Salceda si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Rolen C. Paulino upang linawan ang mga alegasyong ismagling ng mga produktong agrikultura sa Subic Bay Freeport zone.
Ang pahayag ay ginawa ni Paulino sa isang pulong balitaan na ipinatawag nito upang bigyang linaw ang ilang lumabas na ulat kaugnay sa umano’y magkakasunod na insidente ng pagsabat ng agricultural products sa Subic nito lamang Disyembre ng nakaraang taon.
Sinamantala din nito sagutin ang rekomendasyon umano ni House Ways and Means Committee Chairman Salceda na pagsasara sa Subic of Port upang magkaroon ng pagkakataong linisin ang puwerto sa katiwalian at smuggling.
Nilinaw ni Paulino na wala pa umanong nagaganap na smuggling sa ilalim ng kanyang panunungkulan bagkus ay pawang “misdeclaration” ang mga natalang tangkang pagpupuslit ng mga produkto.
“Nasa loob pa lang ng port at nahuli na, nakalagay dun dimsun eh, pagtingin natin sibuyas pala, ang tawag dun misdeclaration, pero kapag nailabas yun sa Subic ang tawag na ay smuggling”, paliwanag nito.
Sa bawat dadaong na barko ay may isasagawang ship pre-arrival meeting o SPAM upang malalaman ang kargamentong parating sa puwerto na idadaan sa matinding pagbusisi ng mga itinalagang SBMA, Customs, Department of Agriculture at PDEA personnel upang matiyak na walang iligal na kontrabando ang makakapasok
“Maliban pa sa x-ray machine, meron pa tayong mga aso na pinapa-check, Not on my watch”, pagdidiin ni Paulino.
Hinggil naman sa bantang isasarado ang Port of Subic upang linisin umano ito sa katiwalian, dapat aniya na pag-isipan muna ang kapakanan ng may 240,000 mga manggagawang posibleng maaapektuhan ng ganitong hakbangin.
Marami aniya ang mga port users na maapektuhan, gayundin ang trabaho na posibleng mawala dagdag pa rito ang epekto sa ekonomiya dahilan sa bilyong pisong kinikita sa operasyon ng Port.
“Gusto ko lang ulitin na kaibigan po natin si Congressman Salceda, siguro kung makakapag-usap (kami) paliliwanag natin sa kanya ang lahat nang ito”, pagtatapos ni Paulino.


Leave a comment