BATAAN- Pinag-iingat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang publiko laban sa mga umano’y nagpapanggap na “recruiter” ng PCG Auxiliary (PCGA) o ang civilian volunteer arm ng PCG.
Ito ay base sa natanggap ng report ng PCG noong Disyembre 2022 tungkol sa umano’y isang grupo na nagpakilala bilang “101st Balangay ng PCGA” para maka-recruit ng mga miyembro sa sa mga munisipalidad ng Hermosa, Abucay, at Morong sa lalawigan ng Bataan.
Ayon pa sa PCG post sa kanilang official social media account, hindi rin otorisado ang paggamit sa logo at pangalan ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr), PCG, at PCGA sa mga aktibidad ng grupo.
Napag-alaman sa sumbong ng mga biktima na liban sa Php 15,000 na ibinayad nila bawat isa ay pinag-resign pa sila sa trabaho at binigyan daw ng responsibilidad bilang mga security personnel at pinangakuan ng Php 30,000 na allowance kada buwan.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, napag-alaman ng PCG Station Bataan na umabot na sa 480 residente ang nabiktima ng naturang grupo sa Barangay Mabayo, Morong, Bataan na ang karamihan ay pawang kabilang sa “indigent.”
Liban sa pagpapanggap bilang opisyal na sangay ng PCG Auxiliary, pinangako rin ng grupo na magsasagawa sila ng livelihood program para sa mga miyembro nito. Magbibigay din umano sila ng isang malaking bangkang pangisda para sa mga recruit sa Barangay Mabayo.
Paglalahad pa ng mga biktima, hindi sila hiningian ng Php 15,000 tulad ng mga recruit sa ibang barangay, pero umabot sa Php 20,000 ang naubos ng bawat isa para sa pagsali sa grupo na naging dahilan upang magbenta ang iba sa kanila ng mga kagamitan at alagang hayop.
Pinag-aaralan na ng PCG ang paghahain ng kaso laban sa mga suspek sa likod ng naturang grupo.
Panawagan pa ng PCG sa publiko na i-report sa pinakamalapit na Coast Guard District, Station, o Sub-Station ang sinumang magpapakilala bilang miyembro ng PCG o PCGA kapalit ng anumang halaga para maging bahagi ng serbisyo.
Hinikayat din nila ang publiko na para hindi mabiktima ng ganitong mga insidente, tumutok sa official Facebook page ng PCG kung saan naglalabas ng mga anunsyo patungkol sa nationwide recruitment. Maaari din umanong makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Coast Guard unit sa kanilang lugar para sa nais maging isang PCGA volunteer. Bilang isang civilian volunteer arm, walang sahod o allowance ang mga miyembro ng PCGA, ito ay binubuo ng mga indibidwal na tumutulong sa PCG sa pagsasakatuparan ng mga mandato nito, na walang inaasahang kapalit.


Leave a comment