BATAAN- Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Olongapo City at Bataan Maritime Police Station (Marpsta) ang isang lalaking may isang dekada nang wanted dahilan sa kasong illegal fishing sa operasyon inilunsad sa bayan ng Limay nitong Disyembre 19.
Ayon sa ulat ni PLT Mariel Cuizon, officer-in-charge ng Olongapo City Marpsta, kinilala ang dinakip na si William Bardaje y Olibo, 35 taong gulang, residente ng 059 Riverside, Barangay. Lamao, Limay, Bataan.
Inaresto ito sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ni Judge Roel G Samonte, Presiding Judge ng MTC Third Judicial Region, Subic, Zambales noong March 20, 2013 sa Criminal Case No.041-12 for violation of Sec 88 par. 4 of R.A 8550 o ng The Philippine Fisheries Code of 1998.
Napag-alamang bago pa isinagawa ang pag-aresto, matinding beripikasyon muna ang isinagawa ng Olongapo Marpsta upang makumpirma ang impormasyon na si Bardaje at hindi ang isang Jayson Espinosa Paguio ang inaresto noong Agosto 2012 sa salang iligal na pangingisda. Ang naturang impormasyo ay kinumpirma din sa mga mugshot na kuha sa akusado noon 2012 at sa sertipikasyon ng mga opisyales ng Barangay Lamao hinggil sa pagkakakilanlan ng suspek.
Si Bardaje ay nasa kustodiya ngayon ng Olongapo Marpsta bago iturn-over sa korte gayundin ang mga dokumentong may kaugnayan sa tunay na pagkakakilanlan ng akusado. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni JUN DUMAGUING)
📸 Larawan mula sa Olongapo Marpsta


Leave a comment