Ang Pahayagan

DTI-Zambales tuloy ang pag-agapay sa mga MSMEs

SUBIC BAY FREEPORT -Nagpapatuloy ang Department of Trade and Industry (DTI) – Zambales sa pagsuporta sa mga maliliit na negosyo bunsod na din sa aktibong pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan  at pribadong sector sa lalawigan.

Ito ang buod ng ulat ni DTI Zambales provincial director Enrique Tacbad sa isang talakayan kasama ng mga mamamahayag sa All Day Breakfast Restaurant sa Subic Bay Freeport nitong nakalipas na Disyembre 05, taong tasalukuyan.

 Ayon sa opisyal, malaking tulong aniya ang suporta ng mga local government units at pribadong sektor upang makamit ng ahensya ang kanilang target accomplishment sa kabila ng pinagdaanang pandemya.

“The DTI-Zambales is so proud and thankful to local governments and the private sector who work hand-in-hand with DTI in promoting the local products and services of Zambales, as well as, providing technical supports,” ani Tacbad.

Nabatid na nakapagbigay aniya sila ng mga administrative at technical assistance sa 3,447 micro, small and medium entrepreneurs (MSMEs) at nagsagawa ng 279 sales promotions para sa mga lokal na produkto.

Nakapag-apruba din ang DTI-Zambales ng 7,198 bagong pangalan ng negosyo at 1,044 na negosyo sa ilalim ng Barangay Micro Business Enterprise (BMBE)- mga negosyong hindi hihigit sa PHP3 milyong kapital na puhunan at nakikibahagi sa produksyon, pagproseso at pagmamanupaktura ng mga produkto o commodities.

“Since the outbreak of the Covid-19 pandemic in 2019, there was also a significant increase of businesses that sell or buy using the internet,” saad pa ni Tacbad.

Sa kasalukuyan ay may 2,282 MSMEs registered e-businesses sa Zambales at Olongapo City.

Inilunsad din ng DTI Zambales ang Negosyo Serbisyo sa Barangay (NSB) sa pamamagitan ng mga ipinamahaging livelihood packages na may kabuoang halaga na PHP495,000 para sa 55 benepisyaryo mula sa 11 mga barangay.

Kabilang sa ipinamahaging livelihood kit ang mga materyales sa pagpoproseso ng pagkain, sari sari store, food and beverage, bamboo craft at vulcanizing package.

Upang maitaguyod naman ang mga benepisyo ng kawayan bilang alternatibong livelihood material, nakipag ugnayan ang DTI sa President Ramon Magsaysay Memorial State University (PRMMSU) upang magsagawa ng mga proyektong pagtatanim ng kawayan, pagtatatag ng Zambales Bamboo Industry Development Council at skills training para sa mga produktong kawayan.

Namahagi rin ang DTI at Zambales ng mga PHP4.07 milyon sa 588 benepisyaryo sa ilalim ng programang “Pangkabuhayan sa Pag ahon at Ginhawa”. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni JUN DUMAGUING)

Leave a comment