Ang Pahayagan

Anibersaryo ng SBMA ipinagdiwang

OLONGAPO – Bonggang selebrasyon ang inilatag ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) bilang bahagi ng kanilang ika-30 taong anibersaryo noong Nob. 24 sa Subic Bay Freeport.

Ang samut-saring pagdiriwang ay alinsabay din sa Volunteer’s Day na kumikilala sa sakripisyo ng may 8,000 katao na boluntaryong naglingkod sa panahong katatatag pa lamang ng SBMA matapos lisanin ng Estados Unidos ang kanilang Base Nabal noong 1992.

Pinasimulan ang selebrasyon ng pag-aalay ng bulaklak sa Volunteers Shrine na pinangunahan ni SBMA Chairman Rolen Paulino kasama ang ilang opisyales ng ahensya at dating volunteers.

Sinundan ito ng seremonya sa harapan ng SBMA administration building kung saan binigyang parangal ang mga natatanging empleyado ng ahensiya.

Binuksan din sa publiko ang aircraft static display sa Subic Bay International Airport kung saan itinaghal ang mga eroplano ng mga locator na gumagamit sa naturang paliparan gayun din ang sasakyang panghimpapawid ng Philippine Navy.

At kulminasyong aktibidad ay ang pagpapa-ilaw ng Christmas tree sa Boardwalk Activity Center na dinaluhan ng mga opisyales at residente ng Olongapo, mga negosyante, gayundin ng mga empleyado ng SBMA at manggawa mula sa mga kumpanya sa freeport zone. (Ulat ng Ang Pahayagan)

Leave a comment