PAMPANGA- Nagsagawa ng Regional Awarding para sa Young Farmers Challenge (YFC) ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon nitong ika-10 ng Nobyembre sa Old Session Hall, Capitol Compound, City of San Fernando, Pampanga.
Ito ay sa ilalim ng Competitive Grant Assistance Program ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) na binuo upang hikayatin ang mga kabataang pasukin ang sektor ng agrikultura.
Para sa Production Category namayagpag ang Mhelmark’s Backyard ng Bataan, Perlas ng Palayan Hydroponics ng Nueva Ecija, R&E African Catfish Hatchery ng Pampanga, ABC’S Organic Eggs ng Tarlac, Antonio’s Agri-Negosyo Integrated Seedlings Production at AIZ Smart Hydroponics: Healthy, Local and Sustainable Lettuce Production ng Zambales.
Samantala, nag-iisa namang nakapasok sa Processing Category ang Ka-Gatas Dairy Farm ng Tarlac.

Ang bawat isa sa mga nanalo ay nakatanggap ng Php 150,000 na magsisilbing dagdag-puhunan para mas lalo pang mapalago ang kani-kanilang business enterprise.
Nagpaabot naman ng kaniyang pagbati si Senator Imee Marcos para sa mga nagwagi at patuloy nitong hinihikayat ang mga kabataan na huwag magdalawang-isip na pasukin ang sektor ng agrikultura.
“Inaasahan ko na magsisilbing inspirasyon ang programang ito sa iba pang kabataang pinoy na maging entrepreneur sa agrikultura gamit ang mga modernong kagamitan at digital technology para mapalago ang ani at kita,” mensahe nito.
Sa pamamagitan naman ng audio-visual presentation, sinabi naman ni Assistant Secretary for Consumer Affairs at DA Spokesperson Kristine Evangelista na malaki ang potensiyal ng agrikultura ng bansa sa hinaharap.
“Sa halos dalawang taon na isinasagawa natin ang Young Farmers Challenge ay nakita at naramdaman ko na patuloy ang pag-angat ng agrikultura at magsasaka sa Pilipinas,” saad nito.
Sa paggawad ng parangal, ito ay dinaluhan nina YFC Chairman at Regional Technical Director for Operations Dr. Eduardo Lapuz Jr., YFC Member at Golden Beans and Grains Producers Cooperative Chairman Dr. Leonilo Dela Cruz, AMAD Chief Fernando Lorenzo, YFC Co-Chairperson at Supervising Agriculturist Maricel Dullas at Senior Agriculturist Sherwin Manlapaz.
Sinabi naman ni RTD Lapuz na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga hindi pinalad na kalahok.
“Sa mga hindi nagwagi o hindi pinalad makapasok para sa taong ito, may pagkakataon pang mag-improve kung saan man nagkulang, tutal ang kompetisyon naman na ito ay taon-taon na isinasagawa,” saad nito.
Hiniling naman ni AMAD Chief Lorenzo sa mga nanalo na ipagpatuloy ng mga ito ang pagmamahal sa agrikultura.
“Sana ipagpatuloy niyo pa ang pagmamahal sa agrikultura at sa ating bansa, na sa tulong ninyong mga sumisibol na magsasaka ay matugunan natin ang ating pangangailangan sa pagkain,” sambit nito.
Nangako naman sina Richard Sarmiento at Ella Marie Pangilinan ng R&E African Catfish Hatchery na gagamitin nang maayos ang mga puhunang natanggap mula sa kagawaran.
“Makakaasa kayo na lahat ng naibigay na puhunan sa amin ay magagamit ng husto para sa aming negosyo. Kami ay nangangako na hanggat kaya ng aming katawan na magtrabaho ay magpapatuloy kami para sa pangarap namin at sa agrikultura,” pangako ng mga ito.
📸 Department of Agriculture Central Luzon


Leave a comment