ZAMBALES- Walong (8) katutubong Ayta ang naging unang benepisyaryo ng inilunsad na Philsys Birth Registration Assistance Project ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa lalawigang Zambales.
Ayon kay Chief Statistical Specialist Norman Bundalian ng PSA Zambales, ang mga katutubo na nagmula sa Barangay Maculcol, Botolan ang kauna-unahang naasistehan ng libreng Negative Certification or Free Verification ng ahensiya para sa Gitnang Luson.
Malaking bagay umano na magkaroon ng birth certificate ang isang benepisyaryo sa pamamagitan ng nabanggit na proyekto dahil ang naturang dokumento ay napakahalaga lalo na para sa mga estudyante at mga naghahanap ng trabaho.
Nabatid naman mula kay Botolan Municipal Civil Registrar Clevelyn Deliquina na dahilan sa perang gagamitin ng isang nangangailangan ng birth certificate ay napipilitan na lamang ang ilan na huwag nang kumuha pa nito.
“Nakakalungkot ang mga kuwento ng mga tao na dahil lang sa wala o maling birth certificate ay nawawalan sila ng opurtunidad sa buhay”, ani ng opisyal.
Suportado naman ni Botolan Mayor Jun Omar Ebdane ang programa na nagkaloob ng financial assistance para sa PBRAP. Sa umpisa ng proyekto ay nagbigay ito ng inisyal na P98,500 para sa negative registration ng kanyang mga nasasakupan na residente ng liblib na lugar ng Barangay Maculcol.
Sa kasalukuyan ay mayroong 2,403 slots ng free registration para sa mga residente ng Botolan, ayon kay Deliquiña.
Sa panig naman ni Ebdane sinabi nito na may alokasyon na ang lokal na pamahalaan na mahigit sa P1-million para sa paglalagyan ng PSA office sa Botolan. Sa kabuoan ay target ng PSA na marehistro ang 16,000 na mga residente ng lalawigan at prayoridad rito ang mga katutubo at kabilang sa marginalized sector. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan ni JUN DUMAGUING)



Leave a comment