OLONGAPO CITY – Pormal nang ipinasa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamunuan ng siyudad ng Olongapo ang isang multi-purpose evacuation center na pinondohan ng P36 milyon.
Ang turn-over ay ginawa sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya sa mismong lugar kung saan itinayo ang multi-purpose evacuation center sa dating Transcon area sa Barangay Old Cabalan.
Dinaluhan ang ito nina Olongapo City Mayor Lenj C. Paulino, OCDR3 Shelby A. Ruiz, at Department of Public Works and Highways (DPWH) Project Engineer Alejandro H. Pangan na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na nagsasaad na ang naturang proyekto ay nasa pangangalaga na ng Olongapo City.
Ayon kay Paulino, malaking tulong ang naturang para sa kanyang nasasakupan lalo na sa panahon ng mga kalamidad. Mai-ibsan nito aniya ang paggamit sa mga pampublikong paaralan bilang evacuation centers para sa mga kinakailangang ilikas.
Nabatid na sa kasalukuyan ay 15 evacuation centers, karamihan ay mga pampublikong eskuwelahan ang nakadeklarang temporary evacuation centers sa buong siyudad.
Pinasalamatan din ni Paulino ang DPWH at NDRRMC na nagpondo at gumawa sa proyekto.
Ang multi-purpose evacuation center na ito ay may kakayahang mag-accommodate ng 300 indibidwal.




Leave a comment