Ang Pahayagan

MAG-ASAWA NATAGPUANG PATAY, KAPATID POSIBLENG SUSPEK

OLONGAPO CITY — Isang malagim na insidente ang yumanig sa Barangay New Cabalan matapos matagpuang wala nang buhay ang isang mag-asawa sa loob ng kanilang silid sa Santol St., Purok 3 ng naturang siyudad.

Ayon sa paunang ulat ng pulisya, nadiskubre ang mga biktima na duguan at may bakas ng karahasan sa kanilang katawan, indikasyon ng isang marahas na krimen.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad upang i-secure ang lugar at magsagawa ng masusing imbestigasyon. Sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat, lumutang ang pangalan ng bunsong kapatid ng lalaki bilang pangunahing suspek.

Sa impormasyon ibinigay ng imbestigador na nakapanayam ng Ang Pahayagan, natagpuan umanong bukas ang vault sa loob ng silid at nawawala ang halagang aabot sa mahigit isang milyong piso.

Iniulat din na may isyu umano sa pagsusugal ang naturang suspek, na pinaniniwalaang posibleng motibo sa krimen. Gayunman, nananatili pa rin itong pinaghahanap at hindi pa kumpirmado kung naaresto na.

Patuloy na kinokolekta ng mga imbestigador ang mga ebidensya at pahayag mula sa mga posibleng saksi upang mabuo ang kabuuang pangyayari at matukoy ang buong katotohanan sa likod ng insidente.

Nanawagan ang pulisya sa publiko na makipagtulungan at agad magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa mabilis na pagresolba ng kaso.  (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment