Ang Pahayagan

KALITUHAN SA PAMAMAHAGI NG FUEL CASH ASSISTANCE SA OLONGAPO, INAPULA NG MGA OPISYAL

OLONGAPO CITY — Ipinagpatuloy ang pamamahagi ng fuel cash assistance para sa mga drayber sa lungsod sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kabila na nauna nang lumikha ito ng komosyon matapos magreklamo ang ilang benepisyaryo hinggil sa kanilang pagkakakilanlan at kwalipikasyon.

Napag-alaman na habang nagpapatuloy ang payout, umigting ang tensyon sa pagitan ng mga driver at mga kinatawan ng DSWD dahil sa kakulangan ng katiyakan kung makatatanggap ba sila ng ayuda.

Partikular na naapektuhan ang ilang tsuper ng green tricycle na nagkaroon ng problema sa kanilang mga rekord. Ayon sa kanila, hindi nagtutugma ang ilang detalye tulad ng pangalan at apelyido, habang ang iba naman ay walang nakasaad na middle initial, dahilan upang hindi agad ma-validate ang kanilang pagkakakilanlan.

Sa gitna ng mainit na pagtatalo, dumating si Congressman Jhay Khonghun ng Unang Distrito ng Zambales kasama si DSWD Field Office 3 Director Venus F. Rebuldela upang mamagitan sa sitwasyon. Agad nilang kinausap ang mga driver at tiniyak na inaaksyunan ang mga isyu.

Ayon sa mga opisyal, walang dapat ipangamba ang mga lehitimong driver na kabilang sa listahang isinumite ng kani-kanilang asosasyon, dahil sisikapin na mabigyan sila ng ayuda sa araw ding iyon. Para naman sa mga may mas komplikadong problema sa rekord, itinakda ang hiwalay na iskedyul para sa kanilang pagtanggap ng tulong.

Sa kabila ng aberya, ipinagpatuloy ang payout bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na suportahan ang sektor ng transportasyon, na isa sa pinakaapektado ng mataas na gastusin sa operasyon. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment