OLONGAPO CITY — Patay ang dalawang apat na taong gulang na batang lalaki matapos umanong ma-suffocate sa loob ng isang abandonadong sasakyan sa Barangay Barretto, Olongapo City noong Abril 8.
Kinilala ang mga biktima sa mga alyas na “Steven” at “Gabriel,” kapwa apat na taong gulang at residente ng Abra Street, Barangay Barretto.
Batay sa ulat ng Olongapo City Police Office, natagpuan ang dalawang bata na walang malay sa likurang upuan ng isang junked na Mitsubishi Lancer na may plakang XAR-402 na nakaparada.
Ayon sa kanilang 10-anyos na pinsan na si alyas “Joy,” hinanap niya ang dalawa matapos niyang huling makitang naglalaro ang mga ito sa naturang lugar. Sa kanyang paghahanap, nadiskubre niya ang mga bata na nakahandusay at walang malay sa loob ng sasakyan.
Agad siyang humingi ng tulong sa upang mailabas ang mga bata mula sa sasakyan at matawagan ang Barangay Barretto Fire and Rescue.
Mabilis na rumesponde ang rescue team at isinugod ang mga biktima sa James L. Gordon Memorial Hospital subalit sa kabila nito idineklarang dead on arrival si Gabriel ng attending physician na si Dr. Manilyn Cureg, habang binawian naman ng buhay sa ospital si Steven.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente.
📸 OCPO photo


Leave a comment