OLONGAPO CITY — Nagsimula na ang pamamahagi ng fuel cash assistance para sa mga drayber sa Olongapo City, na ginaganap sa Rizal Triangle, ayon sa ulat ng Olongapo City Information Center.
Layunin ng programang ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na matulungan ang mga tsuper na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga transport workers na umaasa sa arawang pasada bilang pangunahing pinagkukunan ng kita.
Dumagsa ang mga driver upang tanggapin ang tulong pinansyal, na inaasahang makakatulong sa kanilang gastusin sa krudo at iba pang pangangailangan sa operasyon. Malaking ginhawa ito lalo na sa mga sektor ng pampublikong transportasyon na direktang naaapektuhan ng mataas na presyo ng gasolina.
Ang nasabing payout ay bahagi ng patuloy na hakbang ng pamahalaan upang suportahan ang sektor ng transportasyon sa gitna ng umiiral na economic pressures.
Isinasagawa ito sa isang organisadong paraan upang matiyak ang maayos at mabilis na distribusyon ng ayuda alinsunod sa itinakdang proseso sa pagkuha ng cash assistance.
Sa kabilang banda, hinaing naman ng ilang mga lihitimong driver na wala ang pangalan nila sa listahan at ang iba naman ay hindi nagtutugma ng tama ang kanilang pangalan o apelyido sa talaan ng DSWD.
Labis itong ikina-dismaya ang ilang tsuper na matagal- tagal na ring umaasa sa ayudang ito na anila kahit papaano ay nakikita nilang makakatulong sa pantawid sa krisis na kinakaharap.
Tinangka ng Ang Pahayagan na humihingi ng panayam sa lokal na pamunuan ng DSWD subalit tumanggi ang huli na magbigay ng pahayag. (Ulat para sa Ang Pahayagan/ NI: MITCH C. SANTOS)
📸 Olongapo City Information Center


Leave a comment