SUBIC BAY FREEPORT– Pinangunahan ng Philippine Red Cross (PRC), katuwang ang Wheelchair Foundation, Chair the Love, at Rotary Club of Manila 101, ang pamamahagi ng mga wheelchair sa mga benepisyaryo mula sa Bataan, Olongapo at Zambales sa ilalim ng programang Mobility for Dignity 2026.
Isinagawa ang aktibidad nitong Huwebes, Abril 9, sa PRC Subic Logistics and Training Center, kung saan may kabuuang 50 wheelchair ang ipinamahagi sa mga piling benepisyaryo mula sa nasabing mga lugar.
Ayon sa PRC, layunin ng programa na maibalik ang dignidad at kalayaan sa paggalaw ng mga indibidwal na may kapansanan, may malubhang karamdaman, o matagal nang may iniindang pinsala.
Nagsimula ang programa sa isang panalangin at pag-awit ng pambansang awit, kasunod ang pagpapakilala sa mga panauhin at mensahe mula sa mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon.
Kabilang sa mga nagbigay ng mensahe sina PRC Secretary General Dr. Gwendolyn T. Pang, Rotary International Assistant Regional Public Image Coordinator Majella T. Villaroman, at Chair the Love Executive Director Augie Bylott.
Isinagawa rin ang unboxing at demonstration ng mga wheelchair bago ito tuluyang ipamahagi sa mga benepisyaryo.
Nagkaroon din ng pagbabahagi ng karanasan mula sa ilang tumanggap ng tulong.
Ayon sa mga organizer, bahagi lamang ito ng mas malawak na plano ng programa na makapagbigay ng mahigit 800 wheelchair sa buong bansa, kung saan 260 ang target na maipamahagi ngayong 2026 sa iba’t ibang lugar kabilang ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Olongapo at Zambales.

“Ang programang Mobility for Dignity 2026 ay nakatuon sa pamamahagi ng wheelchair sa may mga kapansanan dahil naniniwala tayo na kapag naka wheelchair ang isang may kapansanan ay bumabalik ang kanyang dignidad lalo na yung mga may kakayanan pa o abilidad na kumilos mag- aral, magtrabaho na hindi laging nakadipende sa tagapag- alaga nito,” ani Dr. Gwendolyn T. Pang Secretary General ng PRC.
Inaasahan na magpapatuloy ang nasabing inisyatiba upang mas marami pang Pilipino ang matulungan at mabigyan ng mas maayos na kalidad ng pamumuhay. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment