Nagtipon-tipon ang mga lider ng iba’t ibang sektor ng negosyo sa Subic Bay Freeport Zone para sa isang CEO Roundtable Discussion na pinangunahan ng Subic Bay Freeport Chamber of Commerce (SBFCC) nitong Martes ng umaga (Abril 07).
Tinalakay sa pulong na may temang “From Hormuz to Subic Bay: Evaluating the Ripple Effects of Global Conflict on Local Operations” ang mga posibleng epekto ng nagpapatuloy na tensyon at armadong sigalot sa pagitan ng US- Syrael vs Iran sa mga lokal na industriya sa Subic.
Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan mula sa sektor ng enerhiya, tubig, logistics, fuel supply, manufacturing, turismo, BPO/ICT, at iba pang mahahalagang industriya. Ibinahagi nila ang kani-kanilang pagsusuri at karanasan kaugnay sa pagtaas ng presyo ng langis at mga hamong dulot nito sa operasyon ng kanilang mga kumpanya.
Sa talakayan, binigyang-diin ang direktang epekto ng krisis sa pandaigdigang suplay ng langis, na maaaring magdulot ng pagtaas sa gastos sa kuryente, transportasyon, at iba pang pangunahing serbisyo. Tinalakay rin ang mga estratehiya upang manatiling matatag ang mga negosyo sa kabila ng posibleng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Bukod dito, napag-usapan din ang kahalagahan ng proteksyon sa mga manggagawa, kabilang ang pagtiyak sa kanilang seguridad sa trabaho at kapakanan sa gitna ng krisis. Nagbahagi rin ang mga kalahok ng mga konkretong plano at rekomendasyon sa polisiya upang mapanatili ang pagiging kompetitibo ng Subic Bay bilang sentro ng kalakalan at industriya.
Ayon sa SBFCC, mahalaga ang ganitong uri ng talakayan upang mapalakas ang kamalayan, kahandaan, at pagtutulungan ng mga negosyo laban sa mga pandaigdigang hamon.
Nanatiling determinado ang SBFCC na magsilbing plataporma para sa mga makabuluhang usapan na naglalayong tiyakin ang tuloy-tuloy at napapanatiling paglago ng komunidad ng negosyo sa Subic Bay Freeport zone. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment