ZAMBALES — Umani ng iba’t ibang reaksyon at espekulasyon ang isang kakaibang anyo ng pamamanata matapos mamataan ang isang indibidwal na nakasuot ng puti habang naglilibot sa mga lansangan ng bayan nitong Biyernes Santo sa bayan ng Castillejos.
Ayon sa mga nakasaksi, ang naturang indibidwal—na hindi matukoy kung lalaki o babae—ay balot ng puting kasuotan na kahalintulad ng sa madre. Mayroon din itong nakasabit na placard sa harap at likod na may nakasulat na: “I have HIV but it doesn’t hurt me, stigma does.”

Nakiisa ang misteryosong namamanata sa daloy ng mga deboto at flagelantes na dumaan sa mga pangunahing ruta ng prusisyon sa bayan, na bahagi ng taunang paggunita ng Mahal na Araw.
Ayon sa uploader ng video na tumangging magpabanggit ng pangalan, labis siyang naantig sa nasaksihan, lalo na sa mga reaksyon at bulung-bulungan ng ilang taong nakapaligid.
“Ang tao kasi ay mapanghusga. Kapag nalaman na may ganitong sakit, kadalasan ay pinandidirihan o iniiwasan. Samantalang maaari naman silang yakapin, dahil ang HIV ay hindi nakakahawa sa simpleng paghawak,” ani ng uploader sa panayam ng Ang Pahayagan.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan at layunin ng naturang indibidwal, ngunit pinaniniwalaang bahagi ito ng isang makabagong paraan ng panata na naglalayong magbigay kamalayan laban sa stigma at diskriminasyon sa mga taong may HIV. (Ulat para sa Ang Pahayagan / Jun Dumaguing)


Leave a comment