PAMPANGA —Nagsimula na ang Maleldo 2026 sa Lungsod ng San Fernando, kung saan muling masasaksihan ng mga deboto at turista ang makasaysayan at kontrobersyal na tradisyon ng pagpapapako sa krus bilang paggunita sa Semana Santa.
Nagtipon-tipon ang mga kalahok at manonood sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, partikular sa Barangay San Pedro Cutud kung saan isasasagawa ang aktwal na pagpapako. Mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang seguridad at kaligtasan ng publiko habang inaasahang dadagsa ang libu-libong bisita mula sa iba’t ibang lugar sa bansa at maging sa ibang bansa.
Ayon sa mga organizer, layunin ng Maleldo na ipakita ang malalim na pananampalataya at sakripisyo ng mga deboto, bagamat patuloy itong kinokondena ng Simbahang Katolika at ilang sektor dahil sa matinding pisikal na pinsala na kaakibat nito.
Samantala, nakaantabay ang mga medical team at emergency responders upang agad na rumesponde sa anumang insidente, lalo na sa mga kalahok na kusang-loob na magpapapako.
Inaasahang magpapatuloy ang mga aktibidad ng Maleldo hanggang sa kasagsagan ng Biyernes Santo, kung saan isasagawa ang pinakaaabangang pagpapapako sa krus. Patuloy namang pinaalalahanan ang publiko na pairalin ang disiplina at pag-iingat habang nakikiisa sa naturang tradisyon.

Sa kaugnay na ulat, inabangan naman ng mga residente sa bayan ng Castillejos sa Zambales ang pagdaan ng street passion play kung saan isinasadula naman ang naging pasakit ni Hesukristo bago ang kamatayan nito sa krus.
Ang naturang mga pagsasadula ay magtatapos sa reenactment ng pagpapako at kamatayan ni Hesus alinsabay sa Siete Palabras sa mga simbahan. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS at JUN DUMAGUING)


Leave a comment