Clark Freeport, Pampanga — Nasabat ng Bureau of Customs – Port of Clark (BOC-Clark), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency – Airport Interdiction Unit (PDEA-AIU) at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID), ang isang shipment na naglalaman ng 6,156 gramo ng Ketamine na tinatayang nagkakahalaga ng ₱30,780,000.00.
Ang nasabing shipment, na idineklara bilang “Solar Cables,” ay nagmula sa Netherlands at nakatakdang ihatid sa Pasig City. Na-flag ito para sa masusing pagsusuri matapos makatanggap ng derogatory information mula sa PDEA.
Sa isinagawang K-9 sniff test, nagpositibo ito sa ilegal na droga, dahilan upang isailalim sa full physical inspection ang kargamento. Sa pagbubukas ng shipment, natuklasan ang isang kahoy na cable spool na may nakapulupot na mga kawad. Matapos itong baklasin, natagpuan ang anim (6) na transparent plastic pouches na naglalaman ng puting kristalinong substansya na itinago sa loob ng estruktura.
Kinumpirma sa pamamagitan ng paunang pagsusuri gamit ang Rigaku Spectrometer na ang nasabing substansya ay Ketamine, isang mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na inamyendahan.

Dahil dito, naglabas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Sections 118(g), 119(d), at 1113 paragraphs (f), (i), at (l)(3)(4) ng Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. No. 9165.
Binigyang-diin ni District Collector Jairus S. Reyes ang kahalagahan ng patuloy na pagpapalakas ng kakayahan ng Customs laban sa mga makabagong taktika ng smuggling.
“Patuloy na nagbabago ang mga paraan ng smugglers kaya kinakailangan din nating paigtingin ang ating mga sistema at kakayahan. Ang pagpapahusay sa profiling systems at pagsasanay ng ating mga examiners ay mahalaga upang mapanatili ang seguridad ng ating mga hangganan,” ani Reyes.
Ipinakita ng insidenteng ito ang patuloy na pagbabantay ng Port of Clark laban sa ilegal na droga. Naninindigan ang Bureau of Customs sa kanilang mandato na protektahan ang bansa laban sa mga banta ng smuggling.
Samantala, binigyang-diin naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang mas malawak na epekto ng matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga.
“Bawat shipment ng droga na ating napipigilan ay nangangahulugan ng mga buhay na naliligtas at pamilyang napoprotektahan. Hindi lamang ito pagpapatupad ng batas—ito ay tungkulin nating pangalagaan ang kapakanan ng bawat Pilipino,” ani Nepomuceno.
📸BOC Clark


Leave a comment