Ang Pahayagan

“KUSINA PASADA”, UMARANGKADA PARA SA MGA TSUPER SA GITNA NG KRISIS SA LANGIS

PANGASINAN– Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at lumalalang krisis sa langis, muling umaarangkada ang inisyatibang “Kusina Pasada” sa lalawigan ng Pangasinan ngayong buwan ng Abril—isang konkretong anyo ng pakikiisa at pagtulong sa sektor ng transportasyon.

Pinangungunahan ng Pannanabanga’y Umbalëy, katuwang ang Pangasinan Peoples Strike for the Environment, ang community-led solidarity kitchen na layong maghatid ng libreng pagkain at suporta sa mga drayber, operator, at tsuper na araw-araw na bumibiyahe sa mga rutang Urdaneta, Dagupan, at Alaminos.

Ayon sa mga tagapag-organisa, ang hakbang na ito ay tugon sa matinding epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis—na pinalalala umano ng umiiral na VAT at excise tax, gayundin ng pandaigdigang tensyon at monopolyo sa industriya ng langis.

Dahil dito, patuloy na naaapektuhan ang kabuhayan ng libu-libong tsuper na umaasa sa pasada para sa pang-araw-araw na kita.

Hindi lamang simpleng pamamahagi ng pagkain ang layunin ng Kusina Pasada, kundi ang pagpapakita ng pagkakaisa ng komunidad sa gitna ng krisis. Isa itong paalala na sa bawat biyahe ng mga tsuper ay may kaakibat na sakripisyo—at nararapat lamang silang suportahan ng lipunan.

Kaugnay nito, bukas ang panawagan ng mga organisador sa publiko para sa mga nais magbigay ng donasyong pinansyal o kaya’y magboluntaryo sa operasyon ng community kitchen.

Anila, ang anumang tulong—maliit man o malaki—ay malaking ambag sa pagpapatuloy ng programa.

Sa huli, muling pinagtitibay ng inisyatibang ito ang mensahe ng pagkakaisa: sa laban ng tsuper, kasama ang komyuter. Isang paalala na sa harap ng krisis, ang bayanihan ang tunay na sandigan ng mamamayan. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment