Ang Pahayagan

“Kalbaryo ng Kalikasan at Mamamayan,” Ipinanawagan ang Katarungan sa Gitna ng Krisis sa Kapaligiran at Kabuhayan

Bataan  — Nagsagawa ng isang makabuluhang protestang aksyon ang mga miyembro ng Nuclear/Coal-Free Bataan Movement, KILUSAN Bataan, at Young BEAN na pinamagatang “Kalbaryo ng Kalikasan at Mamamayan,” bilang paggunita sa Mahal na Araw, partikular sa Miyerkules Santo, kasabay ng Earth Month observance.

Layunin ng aktibidad na ilantad ang patuloy na paglala ng kalagayan ng kapaligiran at ng mga komunidad, dulot ng polusyon at pagkasira ng kalikasan na iniuugnay sa operasyon ng coal plant. Binigyang-diin din ng mga kalahok ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo na nagdudulot ng matinding kahirapan at kagutuman, gayundin ang mas malawak na pinsalang dulot ng mga digmaan sa kalikasan at sangkatauhan.

Bilang bahagi ng paggunita sa Mahal na Araw, itinampok sa Kalbaryo ang pitong huling salita ni Hesukristo bago ang kanyang kamatayan sa krus, na iniuugnay sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan at kapaligiran. Bitbit ng mga nagprotesta ang isang krus na sumisimbolo sa mga suliraning kinakaharap ng mamamayan, at huminto sa ilang piling lugar upang bigkasin ang mga mensaheng hinango mula sa pitong huling salita.

Nagtapos ang aktibidad sa isang maikling programa sa harap ng BRC Complex sa Lamao, Limay, Bataan, kung saan muling iginiit ng mga organisasyon ang kanilang panawagan para sa pananagutan, katarungang pangkalikasan, at agarang aksyon upang tugunan ang mga isyung panlipunan at pangkapaligiran.

📸 Nuke-Coal Free Bataan

Leave a comment