Ang Pahayagan

KALBARYO SA KALIKASAN: Isang Makabuluhang Aktibidad ngayong Semana Santa ng Young Bataeños for Environmental Network

BATAAN – Inaanyayahan ng Young Bataeños for Environmental Advocacy Network (Young BEAN) ang mga mamamayan, kabataan, at iba’t ibang sektor na makiisa sa isang makabuluhang paggunita ng Mahal na Araw sa pamamagitan ng aktibidad na pinamagatang “Kalbaryo sa Kalamidad, Kahirapan at Gera.” Gaganapin ito sa Abril 1, 2026, mula 3:30 ng hapon hanggang 5:00 ng hapon sa Lamao, Limay, Bataan.

Ayon sa mga tagapag-organisa, taun-taon na ginugunita ng mga Pilipino ang Mahal na Araw bilang pag-alala sa sakripisyo ni Hesukristo—isang sagisag ng pag-ibig, pagkakaisa, at pag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng kapwa. Sa kasalukuyang kalagayan, binibigyang-diin nila na ang “kalbaryo” ng mamamayan ay patuloy na nararanasan sa anyo ng kahirapan, pagkasira ng kalikasan, at epekto ng pandaigdigang sigalot.

Ibinahagi ng mga kalahok na ang lumalalang krisis sa kabuhayan, kagutuman, at kawalan ng katiyakan sa tirahan ay pinalalala ng polusyon at mapanirang proyekto, kabilang ang paggamit ng maruming enerhiya gaya ng coal. Dagdag pa rito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo na inuugnay sa kaguluhan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Bilang tugon, magsasagawa ang grupo ng serye ng mga aktibidad na naglalayong palalimin ang kamalayan at palakasin ang sama-samang pagkilos ng mamamayan.

Tampok sa programa ang “Pagsuri sa Kalbaryo” na gaganapin mula 9:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, kung saan isasagawa ang isang Focus Group Discussion na may temang “Coal 101 and Immersion.” Tatalakayin dito ang pinagmumulan ng polusyon at ang epekto nito sa kalusugan at kabuhayan ng komunidad. Gaganapin ito sa Pexsite, Lamao, Limay, Bataan.

Susundan ito ng “Estasyon ng Krus: Prusisyon ng Mamamayan” mula 3:30 ng hapon hanggang 4:00 ng hapon, na magsisilbing simbolikong paggunita sa paghihirap ng mamamayan at kalikasan. Iinog ang prusisyon mula Lamao Proper hanggang Carbon (Lamao Complex), kalakip ang pananalangin at panawagan para sa katarungan.

Nanawagan ang mga organizer sa publiko na makiisa at iparinig ang tinig ng mga komunidad na apektado ng kawalang-katarungang pangkalikasan. Inaanyayahan ang lahat na dumalo at makibahagi sa gawaing ito bilang hakbang tungo sa pag-asa, pagkakaisa, at makabuluhang pagbabago.

Leave a comment