MANILA — Sa utos ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang infrastructure spending at palakasin ang ekonomiya, nag-release ang Department of Budget and Management (DBM) ng P16.5 billion sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mabayaran ang kanilang due and demandable accounts payable.
Ang release ay ginawa sa pamamagitan ng Notice of Cash Allocation (NCA) na ibinigay sa DPWH Central Office. Mula rito, ida-download ang pondo sa kanilang implementing units sa 17 na rehiyon sa buong bansa, upang mabayaran agad ang mga natapos at ongoing infrastructure projects, at maiwasan na rin ang pagkaantala sa pagbibigay ng importanteng serbisyo sa publiko.
Ayon kay DBM Secretary Rolando “Rolly” U. Toledo, bahagi ito ng plano ng administrasyon para masigurong tuloy-tuloy ang mga proyekto habang pinapalakas ang galaw ng ekonomiya.
“Sa utos ng Pangulo, pinapabilis natin ang infrastructure spending para tuloy-tuloy ang pagsasagawa at pagtatapos ng mga proyekto, nang sa ganon ay masiguro natin ang paglago ng ekonomiya ng bansa. Ang P16.5 billion na ito ay para masigurong nababayaran agad ang obligasyon ng DPWH—para tuloy ang trabaho at tuloy ang serbisyo sa tao.”
Binigyang-diin din ni Secretary Toledo na mahalaga ang tamang timing ng pag-release ng pondo para sa paglago ng ekonomiya, lalo na sa infrastructure sector.
“Malaki ang epekto ng government spending, lalo na sa infrastructure. May multiplier effect ‘yan. Kapag on time ang release ng pondo, nasu-sustain natin ang trabaho ng mga Pilipino, natutulungan ang mga negosyo, at mas napapabilis ang pagtatapos ng mga proyekto—na nagdadala ng agarang benepisyo para sa ating mga kababayan.”
Dagdag pa niya, dumaan sa maayos at mahigpit na validation ang pag-release ng pondo upang masigurong tama ang proseso, kumpleto ang requirements, at sumusunod ito sa kasalukuyang budgeting, accounting, at auditing rules.
“Mahalaga na mabilis ang release, pero mas mahalaga na tama ang proseso. Sinisigurado natin na bawat piso ay may sapat na dokumento at naaayon sa batas. Dito pumapasok ang balance ng bilis at pananagutan.”
Muling pinagtibay ng DBM ang kanilang commitment sa maayos, disiplinado, at responsableng pag-manage ng national budget, alinsunod sa layunin ng administrasyon na gawing konkretong benepisyo sa buhay ng mga Pilipino ang bawat pondo ng gobyerno.
“Sa Bagong Pilipinas, bawat piso may direksyon—at bawat proyektong natatapos, may direktang epekto sa buhay ng ating mga kababayan.” (PR)


Leave a comment