LUNGSOD NG SAN FERNANDO—Mas pinaigting pa ng Jose B. Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH) ang kanilang serbisyo. Ang kanilang mga surgical instrument ay dumaraan na ngayon sa mas advanced na sterilization system habang tinitiyak din ang tuloy-tuloy na suplay ng medical-grade oxygen.
Naipatupad ng JBLMGH ang mga makabagong pasilidad na ito sa pamamagitan ng paggamit ng bahagi ng kanilang sariling kita upang maitayo ang RUMED (Reprocessing Unit for Medical Devices) at ang MOGP (Medical Oxygen Generating Plant).
Binuksan noong Marso 15, ang dalawang bagong pasilidad ay “lalo pang nagpapatibay sa pangako ng ospital sa kaligtasan ng pasyente, infection control, at tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyong nakapagliligtas-buhay,” ayon kay Dr. Monserrat Chichioco, punong medikal ng JBLMGH.
Napag-alaman pa na lalong naging mahalaga ang pagkakaroon ng maaasahan at espesyal na sistema para sa reprocessing ng mga instrumentong medikal habang patuloy na lumalawak ang surgical services ng ospital.
Ang JBLMGH, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DOH), ay nagsisilbi sa Central Luzon mula pa noong 1921 o sa loob ng 105 taon.
“Ipinagkaloob ng DOH ang patuloy na suporta sa JBLMGH sa pamamagitan ng sapat na pondo para sa operasyon kaya nagamit ng ospital ang kanilang internal revenue para sa mga pagpapabuti,” ani Chichioco.

Ipinaliwanag niya na sa RUMED, ang bawat instrumentong medikal na ginagamit sa pangangalaga ng pasyente ay dumaraan sa mahigpit at masusing proseso ng sterilization.
Matapos ma-sterilize, ang mga ito ay dinadala sa pamamagitan ng itinalagang ruta gamit ang selyadong lalagyan upang maiwasan ang kontaminasyon.
Sumasailalim ang mga ito sa masusing paglilinis gamit ang manual washing, ultrasonic technology, at automated washer-disinfectors. Ang bawat kagamitan ay iniinspeksyon, inaayos, at iniimpake kasama ang chemical indicators bago iproseso sa advanced sterilization systems na pumupuksa sa lahat ng mikroorganismo.
Upang matiyak ang kaligtasan at pagiging maaasahan, ipinatutupad ang mahigpit na quality control measures tulad ng ultrasonic testing, washer verification, Bowie-Dick testing, at paggamit ng biological indicators.
Ang mismong pasilidad ay dinisenyo na may unidirectional workflow, kontroladong air pressure systems, at espesyal na sterilization equipment upang mapanatili ang malinaw na paghihiwalay ng kontaminado at sterile na mga lugar.
Matatagpuan ang RUMED sa Hospital Operations Building habang ang OGP naman ay may sariling gusali sa likod ng Orthopedic Center.

Ayon pa sa kanya, ang MOGP ay “nagtitiyak ng tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng medical-grade oxygen para sa pangangalaga ng pasyente” dahil kaya nitong makagawa ng oxygen na may hanggang 99.5 porsiyentong kadalisayan.
Dagdag pa niya, ang MOGP ay kayang makalikha ng katumbas ng 400 hanggang 500 oxygen cylinders araw-araw upang matugunan ang pangangailangan ng ospital.
“Ang oxygen output ay direktang nakakonekta sa central medical gas pipeline system ng ospital na nagsusuplay sa mga ward, intensive care unit, operating room, at emergency department,” ani Chichioco.
Mayroon din itong in-house cylinder refilling system na nagpapataas ng kahandaan sa emerhensiya, nagpapababa ng gastusin sa operasyon, at nagbabawas ng pagdepende sa mga panlabas na supplier. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment